Pagkain, tubig, gamot nagkakaubusan sa La Libertad
Papunta pa lang sa bayan ng La Libertad, nag-agawan na ang mga residente sa tubig na ipinamigay.
Galon-galon ang igib makakuha lang ng tubig na maiinom.
Kaya't paano pa kaya ang mga taga-Barangay Maragondong na nasa kasuluk-sulukan pa ng bayan.
Naghihinaing ang daan-daang residenteng nagsama-sama sa isang bakanteng lote.
Kanya-kanya silang nagtirik ng tent matapos gumuho sa lindol ang kanilang mga bahay.
Isa na rito si Aling Marietta na nakaratay na lamang matapos mabagsakan ng gumuhong bahay.
Dahil wala nang gamot sa lugar, mga dahon na lamang ang ginamit na remedyo para mabawasan ang sakit.
Hindi raw madala ng anak na si Wemacar Gargoles ang ina sa ospital dahil sa naputol na mga tulay.
“Hindi ako makaisip nang maayos. Naisip ko lang makita ko siyang buhay pati mga kapatid ko,” said Gargoles.
Kaninang tanghalian, halos walang kumakain, tinitipid na raw kasi nila ang natitira nilang mga pagkain lalo't walang mabilhang tindahan.
“Ngayon tatlong araw na mula noong lindol, kulang na talaga ang pagkain. Nagshe-share na lang kami ng tubig at pagkain. Kumukuha kami ng tubig sa balon,” sabi ni Estelita Faustorilla.
Ang pamilya Tironio, pinagtiyagaang balatan at pagsaluhan na lamang ang isang niyog maibsan lamang ang kalam ng tiyan dahil sa wala silang makain at mainom.
“Wala kaming tubig at kinakain. Wala kaming bigas. Hindi dapat iyan ang pinapakain ko sa mga anak ko, pero wala kaming makain,” sabi ni Gelly Tironio.
Sa ngayon, nagtutulungan na lamang ang komunidad na maitawid ang mahahabang araw at malalamig na gabi sa hamong hindi nila inakalang haharapin nila.
02/08/2012 9:00 PM







