NDRRMC nangangamba sa landslide


Umakyat na sa 71 ang nawawala dahil sa lindol. Bukod sa 29 na nabaon sa landslide sa Guihulngan, Negros Oriental, may 42 pa ang nawawala sa landslide sa La Libertad. Naniniwala ang NDRRMC na maaaring may iba pang insidente ng landslide ang hindi pa naire-report.

"Mayroon kaming feeler na meron pang posible doon sa mga remote areas, kaya nagpadala kami ng additional search and retrieval teams,” sabi ni Edgardo Ollet, tagapamuno ng NDRRMC operations.

“Medyo mano-mano kasi mahirap pasukin ng mga heavy equipment, Putul-putol ‘yong mga tulay 'tsaka mga road. Kung ganoon ka-massive yung landslide, maaaring walang buhayin ‘yon.”

Pero aminado ang NDRRMC, hirap pa rin silang maabot ang maraming lugar sa Negros Oriental.

Sampung tulay kasi ang nawasak mula sa mga bayan ng Jimalalud, La Libertad at Guihulngan sa Negros Oriental.

Wala ring tubig at kuryente sa mga lugar na ito. Pati mga bayan ng Ayungon at Tayasan, patuloy ang mga nararamdamang aftershocks.

Umaga kanina nang maglabasan ang mga empleyado ng Iloilo Provincial Capital matapos makaramdam ng pagyanig.

“So, aftershock lang siya na 5.2. It is not enough to destroy our building and cause danger,” sabi ng isang tagapagsaayos ng sitwasyon.

Paliwanag naman ng PHIVOLCS, mararamdaman ang mga aftershocks sa paligid ng epicenter hangga't gumagalaw ang lupa sa mga bitak na nilikha ng paggalaw ng faultline.

"Iyong energy na hindi na-release noong main shock ngayon pa lang nare-release. Iyon ang isang manifestation niya,” sabi ni Dr. Winchelle Ian Sevilla ng PHIVOLCS.

Dumating na ang mga geologists ng PHIVOLCS sa epicenter para malaman kung gaano kahaba at ilang mga bayan ang apektado ng fault line sa Negros Oriental. Zen Hernandez, Patrol ng Pilipino

02/08/2012 10:33 PMBookmark and Share