Mga taga-Negros dinaan sa karatula ang paghingi ng pagkain


Mula sa Sky Patrol, makikita ang tindi ng pinsalang iniwan ng malakas na lindol sa Negros Oriental.

Mahaba at malalim ang bitak-bitak sa daan; may nawasak din na mga tulay at ang mga dating kinatatayuan ng mga bahay, halos hindi na makita dahil sa gumuhong lupa.

Sa ‘di kalayuan, biglang naglabasan ang mga residente nang marinig ang ugong ng Sky Patrol.

Bitbit nila ang mga karatulang humihingi ng tulong.

Mayroon ding nagtayo ng tent sa labas ng bahay at iginuhit sa lupa ang salitang "food."

May naabutan din kaming naghuhukay sa guho para hanapin ang mga kaanak na nawawala.

Napadaan din tayo sa bayan ng La Libertad kung saan makikita ang gumuhong bahagi ng ng bundok doon.

Paglapag namin sa Barangay Mandapaton, sinalubong kami ng mga residenteng balisa at pagod.

“Hindi kayo maniniwala pero hindi pa kami natutulog. Maraming salamat sa tulong niyo, wala na kaming babalikang bahay dahil sa landslide," sabi ni Karen Canete.

Marami rin ang pumanhik sa mas mataas na lugar sa takot na mabaon sila sa paanan ng bundok.

Narito tayo ngayon sa Barangay Mandapaton sa bayan ng La Libertad.

Kung napansin niyo bitbit ng mga residente itong mga kahoy na ito para higaan mamayang gabi.

Kasi mula noong Lunes hanggang sa araw na ito ay ramdam pa rin nila ang pagyanig.

Si Aling Nelie Balsimo, naiiyak dahil hindi madala ang mga magulang na paralitiko sa mas mataas na bahagi ng bundok.

“Ang hirap ng buhay namin ngayon, walang permanenteng tirahan dahil sa trahedyang ito,” sabi ni Balsimo.

Bago kami umalis, namahagi kami ng tulong para kahit paano ay maibsan ang gutom at pagod ng mga nalindol.

Binalikan namin ang gumuhong bahagi ng bundok sakop ng Barangay Planas, Guihulngan City na hindi pa naaabot ng rescue team.

Sabi ng ilang nakausap namin doon, may dalawang sitio ang nabaon sa guho.

02/08/2012 9:04 PMBookmark and Share