PNoy, pinaiimbestigahan ang maling balita sa tsunami
Hindi na nag-celebrate o naghanda, pero kahit paano may iniwan ang Pangulo dito sa Negros na maaaring pagsaluhan ng mga nilindol nating kababayan.
Pasado alas-10 kaninang umaga nang dumating ang Pangulo.
Kasama pa sa kanyang delegasyon ang mga nakakatandang kapatid niyang sina Ballsy at Pinky.
Mula dito sa Dumaguete, helicopter na ang sinakyan ng Pangulo kaya nakita nila sa aerial inspection ang kulumpon ng mga kababayan nating hanggang ngayo'y ayaw bumaba sa bundok at doon pa nakatira dahil sa takot na baka magkaroon pa ng tsunami.
Sa ibaba naman, personal na inalam ng Pangulo mula sa alkalde ng Guinhulngan ang pinsalang iniwan sa kanila ng lindol.
Kabilang dito ang mga bitak sa kalsada na ginawa ng lindol, bukod pa sa mga nasirang tulay at imprastraktura.
Pero sa kabila nito, nagawa pa ng mga kababaihan ng Guihulngan na kantahan ang Pangulo at batiin siya sa kanyang kaarawan kanina nang pulungin ang mga opisyal ng gobyerno.
Nag-iwan ang Pangulo sa provincial government ng mahigit P5 milyong halaga ng tseke na gagamitin sa "cash-for-work" program para pambayad sa mga nalindol na tutulong sa clearing operation sa kanilang lugar.
Ayon sa Department of Public Works and Highways, 13 ang tulay na nasira at tatlo dito'y ‘di puwedeng kumpunihin lang kundi kailangan talagang palitan.
Pinamamadali ng Pangulo na magawan agad ng paraan ang mga tulay at kalsada para madaanan.
Isa kasi ito sa problema kaya ‘di makapagbukas ang mga tindahan.
Plano ng Department of Trade and Industry na maglagay ng rolling stores na magbebenta sa distributor's price para matugunan ang pangangailangan ng mga nalindol.
Mamamahagi din ng mga binhi pamalit sa mga na-landslide na pananim.
Target ngayon na tapusin hanggang Biyernes ang pagkukumpuni sa mga poste at linya ng kuryenteng nasira sa lindol para agad maibalik ang serbisyo ng kuryente sa buong Negros.
Sa ngayon, nasa 22 ang opisyal na bilang ng namatay at 53 ang sugatan.
Ang sinisiguro ng PHIVOLCS, hindi na magkakaroon ng tsunami dahil ang epekto lang sa alon na iniwan ng lindol noong Lunes ay kalahating metro lang na taas ng alon.
Ang gusto ngayon ng Pangulo ay masigurong ‘di na magkakaroon ng panic para masimulan na ng mga biktima ang pagbabalik sa normal na buhay.
“Para sa akin ang pinaka-urgent need is not to give our people false assurance na wala ng aftershock. Pero huwag na nating dagdagan ang agam-agam na may paparating na mas malaki pa,” sabi ng Pangulo.
Sa ngayon ay ibinabangka lang ang mga relief goods na pinapadala ng pamahalaan.
Ang iba ay galing ng Cebu at itinatawid dito sa Negros habang iba naman ay mula dito sa Dumaguete.
Bago umalis ang Pangulo pabalik sa Maynila, ipinag-utos din niya na pag-aralan at aksyunan ang pangangailangan ng relokasyon para sa mga naninirahan sa lugar na maaaring direktang tamaan kung may kalamidad.
Dapat, sabi ng Pangulo, ‘di na abutan pa ulit ng tag-ulan ang lahat ng gagawin dito.
02/08/2012 11:01 PM







