Pagkain, tubig nauubos sa Guihulngan
Korina: Jorge, apat na araw na ang lumipas, lumilindol pa rin ba diyan hanggang ngayon?
Jorge: Korina, sa mga naglipas na maghapon, may mga aftershocks pa ring nadama dito sa bayan ng Guihulngan kaya hindi masisisi 'yung mga tao dito tulad ng mga nasa likod ko na manatiling tumira sa mga tolda sa takot na maipit sa mga bahay nila na nasira ng naganap na lindol.
Mula kahapon, maulan dito sa Negros Oriental kaya maputik ang lupa na tinutulugan nila ngayon, at lalo pang kumplikado ang kanilang sitwasyon dahil hirap makakuha ng pagkain, tubig na inumin, at petrolyo dahil sa mga nawasak na kalsada at tulay.
Ganito kahaba ang pila na tinitiis ng mga tao para makakuha ng relief goods sa Negros Oriental State University.
Halos makipagpalitan ng mukha si Mary Nemenio sa pila na pinuwestuhan na niya mula kaninang alas-7 ng umaga.
“Kaninang umaga, alas-7 pumunta kami dito, pumila naman, ngayon pa [lang] kami nakaabot” sabi ni Mary.
Pasado alas-2 na ng hapon nang makapasok si Mary at makakuha ng relief bag na may lamang 2 kilo ng bigas, 2 bote ng tubig, sardinas at noodles. Nagpapasalamat siya, pero alam niyang kukulangin ito.
“Isang araw lang ‘to, parang kulang ‘to,” pagtatantiya ni Mary.
Kulang na nga sa pagkain, kapos pa sa supply ng maiinom na tubig. Pila balde rito para makakuha ng tubig na maiinom na nirarasyon lang ng trak ng bumbero mula sa San Carlos City.
Karamihan sa mga pamilya dito'y di pa umuuwi sa bahay. Sa ilalim ng kapirasong lona, tinitiis ng pamilya ni Delia Montecino ang hirap na kalagayan dahil takot na ang mga anak niya tuwing magkakaroon ng aftershocks.
“Natatakot kami, ang anak namin hindi nakakain,” sabi ni Delia.
Problema din ngayon ang supply ng petrolyo. Gasolina na nga lang ang mabibili rito, pahirapan pa sa pila at mas mataas na presyo. Sisenta pesos ang litro dito ng gasolina.
“’Yong presyo na na-deliver nila ay mataas na, so ngayon, nagtatataas na kami ng 50 cents only,” sabi ni Junry Malabago, kahero sa isang gas station.
Kanina inumpisahan na ng DPWH ang pagkukumpuni sa ilang bahagi ng tulay at kalsada na sinira ng lindol para mabigyang daan ang pagpasok ng mga relief operations at supply ng petrolyo.
Gumabi na naman at ganito parin ang sitwasyon ng mga tao rito mula nang mangyari ang lindol noong nakaraang Lunes. Walang kasiguraduhan kung bubuti ang kalagayan nila bukas, at wala pa ring kasiguraduhan kung maipapasok nang tuluyan ang mga tulong.
Korina: At ano ang pinakamatindi nilang pangangailangan? Mga gamit, pagkain? Ano ba ang puwedeng itulong, sa mga gustong tumulong?
Jorge: Iyong mga gamit nakukuha pa naman nila sa mga bahay-bahay nila, pero ang problema, tubig at pagkain na maiinom. Kung mayroon sigurong mapagkawanggawa na magbibigay ng sleeping materials gaya ng banig, plastic na panglatag, ay mapapakinabangan rin ng mga tao rito, na hanggang ngayon ay hindi pa rin makabalik sa kanilang mga bahay. Jorge Carino, Patrol ng Pilipino
02/09/2012 10:21 PM







