Bundok, ayaw lisanin ng mga taga-Tayasan kahit binabaha


Unang pagkakataon ito ni Mang Epidencio na nagpunta sa dalampasigan mula nang makaranas ng malakas na lindol at banta ng tsunami ang bayan ng Tayasan sa Negros Oriental.

At dahil patuloy ang aftershocks, hindi pa rin napapawi ang takot nila na magka-tsunami.

Aniya, “Naghihintay lang po kami. Wala namang ahensya na nagpaintindi sa amin. Patuloy pa rin ang paglindol. Takot kami na totoong may mangyaring tsunami."

Pero mas higit na kailangan nila ngayon ng tulong.

Si Aling Lilibeth, pinagkakasya na lang sa 10 miyembro ng kanyang pamilya ang dalawang lata ng sardinas at isang kilong bigas.

“Lugaw na lang para hindi maubos agad ang bigas. Ang hirap ng kalagayan namin, walang tumutulong,” hinaing niya.

Takot din ang namamayani sa bulubunduking bahagi ng Tayasan.

Ayon sa mga residente na nakatira pansamantala sa bundok, mas dumarami ang kanilang problema ngayon.

Maliban kasi sa kakulangan sa pagkain at tubig, dagdag problema rin sa kanila ang malakas na ulan na bumaha sa kanilang mga tent, kaya naman doble-hirap ang nararanasan ngayon ng mga evacuee.

Giit ni Ruel Reyes, “Hindi kami nakakatulog. Binaha na pati ‘yung aming mga tent.”

Sabi naman ni Patricia Radok, “Ang hirap ng kalagayan namin. Magdamag kaming nakaupo at nagbabantay. Inuubo na ‘yung mga bata.”

Nanawagan na si Negros Oriental Governor Roel Degamo na bumaba na sa sila mula sa bundok.

Pakiusap niya, "I am appealing to these people to go down. Let’s move on. Let’s try to live a normal life."

Pero kahit hirap sa kalagayan nila ngayon, nanindigan ang mga evacuee na mananatili muna sila sa labas ng bahay hangga’t hindi natitiyak ang kanilang kaligtasan. Reno Tallada, Patrol ng Pilipino sa Tayasan, Negros Oriental

02/09/2012 9:58 PMBookmark and Share