13 paaralan sa Ayungon at Tayasan, nawasak ng lindol
Kahit hindi pa binubuksan ang klase sa bayan ng Ayungon dahil sa nangyaring lindol, pinili pa rin ng magkaibigan na sina Jerry at Junrey na tumambay sa kanilang eskuwelahan. Nanghihinayang ang dalawa sa nasasayang na araw na hindi sila nakakapag-aral.
“Malungkot talaga ako. Maganda kasi ‘yong nag-aaral kami, dahil marami kaming matututunan, eh ngayon wala,” sabi ni Jerry.
"Gusto ko talaga na makapagtapos para makakuha ng trabaho," sabi ni Junrey.
Isa ang Ayungon Central School sa 13 paaralang nawasak ng lindol.
Pagpasok niyo sa loob, ito ang tatambad sa inyong paningin: nagkalat at sirang mga arm chairs, sirang kisame at higit sa lahat wala na itong blackboard.
Kaya plano ngayon ng Department of Education na maglagay ng tolda sa labas para gawing temporary classroom.
Nanghihinayang din ang teacher na si Maria Lee Kalusukusin sa nangyari sa kanilang paaralan.
“Masakit talaga. Noong araw na lumindol, kakatapos ko lang na magpa-renovate sa classroom ko,” sabi ni Maria Lee.
Sa bayan naman ng Tayasan, bumagsak ang buong bubungan ng St. Anthony de Padua School. Aminado ang DepEd na hindi nila kakayanin ang rehabilitasyon ng mga nasirang paaralan.
"If ever it is possible that there will be other donors for canopies, because we will just have the classes [on] the ground," sabi ni Yolanda Elum ng DepEd.
Sasailalim sa stress debriefing ang mga guro at estudyanteng dumanas ng matinding trauma.
Sa Jimalalud, Negros Oriental, napaanak naman nang wala sa oras ang walong buwang buntis na si Helen Garsula matapos mabagsakan ng bato noong kasagsagan ng lindol.
“Sobrang bilis ng pangyayari; parang may sumabog tapos ang daming batong nahulog. Natabunan ang bahay namin,” sabi ni Helen.
Sa kabila ng nangyari, umaasa pa rin ang pamilya na malalampasan nila ang matinding pagsubok. Reno Tallada, Patrol ng Pilipino
02/10/2012 10:30 PM







