Guho at pinsala sa Cebu, Negros, kita mula sa ere


Lulan ng ABS-CBN Sky Patrol, muli naming pinuntahan ang mga nalindol sa Negros Oriental. Pero bago pa man makatawid patungong La Libertad, tumambad sa amin ang malaking bitak na ito sa bulubunduking bahagi ng Ronda, Cebu.

May guho rin ang bundok na lubhang peligroso. Hindi tuloy maiwasang matakot ng mga residenteng nakatira sa paanan ng bundok, lalo na't dama pa rin doon ang pagyanig na hatid ng aftershock at makikita rin ang maraming bitak sa lupa.

“Gusto rin naming lumipat sa ibang lugar pero nilindol din sa ibang lugar,” sabi ng residenteng si Jumielyn Legaspi.

Nangako ang lokal na pamahalaan na agad ililipat ang mga apektadong residente lalo na't may eskuwelahan pa sa baba ng bundok na may halos 400 estudyante.

Pagdating namin sa Negros Oriental, nakita namin ang pinsalang iniwan ng lindol sa bayan ng Vallehermoso.
Halos wala nang tao sa mga kalsada. Walang pasok sa munisipyo sa takot na gumuho ang 50 taong gulang na gusali nito. Hindi rin ginagamit ang mga paaralan na nabitak dahil sa pagyanig.

Sa pag-ikot ng Sky Patrol sa ilang bahagi ng Guihulngan, kitang-kita pa rin ang mga residente na nagkukumahog na makakakuha ng pagkain at tubig. Hindi rin pinalampas ng mga bata ang candy at biscuit. Takot pa rin ang namamayani sa marami.

“Takot na kami dahil palagi pa ring lumilindol, pero ayaw naming umalis dahil hindi namin alam kung saan pupunta,” sabi ni Felimon Toreno.

Ayon sa mga residente, isang bata at isang dalaga pa ang nalibing nang buhay sa guho. Gusto man nilang hukayin, natatakot sila dahil sa patuloy na pagyanig. Rico Lucena, Patrol ng Pilipino

02/10/2012 10:38 PMBookmark and Share