Mga taga-La Libertad, problemado sa tubig


Sa unang tingin, aakalaing inabandona ang health center ng bayan ng La Libertad.

Walang katau-tao, wasak na mga gamit at nagkalat ang mga gamot.

Ang sahig, may bakas ng mga dugo.

Pero ang mga doktor, health worker at pasyente ay nasa tapat lamang ng gusali.

Pinalabas muna sila dahil sa mga bitak na iniwan ng lindol.

Kaya't ang mga pasyente na nasaktan sa lindol, sa labas ginagamot.

Ang 2-taon na si Honey Grace, nakaratay na lamang.

Naghahanap daw kasi ito ng tubig, pero gaas ang nainom.

“Naghahanap ng tubig dahil uhaw. Nakita nila ‘yung bottle ng water, pag-amoy nila, amoy gas,” sabi ni Jeffsy Merenillo, kapatid ng pasyente.

Dahil kailangan ng karagdagang atensyong medikal ng mga pasyente at isolated ang bayan, kinailangang sunduin ng militar at i-airlift sa Dumaguete sina Honey Grace.

Sa tindi ng uhaw sa La Libertad, marami sa mga residente ang umiinom na lamang sa ilog kaya't nagkakaroon na ng mga kaso ng diarrhea.

Bagay na pinangangambahan ng Department of Health.

“Water is our major concern right now. If the water is not safe to drink, if it is contaminated, they can have diarrhea and other diseases like typhoid fever,” sabi ni Dr. Susana Madaneta.

Dapat daw ay pakuluan muna ang tubig mula sa ilog at balon.

Kanina, naghatid na ng mga gamot ang Health department at ang bayan ng Bais.

Kabilang sa mga dala nila ang hyposol, isang solution na pwedeng ipatak sa tubig para ito'y malinis.
 
Dumating na rin ang Metropolitan Manila Development Authority na nagdala ng mga equipment na magdi-distill ng tubig mula sa ilog at mapapainom sa mga residente.

“Through the use of our machine, ite-treat ang raw water. Paglabas ng treated water, potable na siya,” sabi ni Edward Gonzales ng MMDA.

Bagama't unti-unti nang bumubuhos ang tulong, marami pa rin ang mga nag-aabang sa tubig na papawi sa kanilang uhaw.

02/10/2012 9:02 PMBookmark and Share