Mga bato humarang sa daanan ng relief goods sa Negros


Ilang oras stranded ang mga motoristang dumadaan sa national highway ng bayan ng Manjuyod. Nagiba kasi ang bahagi ng isang bangin doon at bumalandra sa kalsada ang malalaking tipak ng bato. Malakas kasi ang buhos ng ulan dito kagabi.

“Noong umuulan, lumalambot, unpredictable kasi eh, tsaka naglu-loose na, dahil nu'ng earthquake umuulan kaya nagkaganoon,” sabi ni Engineer Dodo Grabador ng Guihulngan City.

Sa laki ng bumagsak na mga tipak ng bato, nauka ang kalye at ilang oras na hindi umusad ang trapiko. Pati ang tulong sana sa bayan ng Guihulngan ay nabalam kasama si Albay Governor Joey Salceda.

Hindi kinaya ng isang bulldozer ang bigat ng bato kaya isa pang bulldozer ang kanilang kinuha.

Matapos ang ilang oras, naihulog na rin sa dagat ang dambuhalang bato.

Samantala, patuloy namang inayos ang mga kalye sa paligid ng mga bayan ng Tayasan, Jimalalud at La Libertad. Tinambakan na ang mga nabiyak na kalsada at ginawan na ng alternate routes ang naputol na tulay.

Kung patuloy ang magandang panahon, inaasahang tuluy-tuloy na maisasaayos ang mga kalye para makapasok nang mabilis ang mga tulong sa mga apektado ng lindol. Jeck Batallones, Patrol ng Pilipino

02/14/2012 11:03 PMBookmark and Share