Mga taga-Guihulngan, nagkakagulo sa relief goods
May sistema naman, sa mga barangay ipinapadaan ‘yung mga relief goods at ‘yung coordination ng donor kung pribado para malaman kung ilan ‘yung nangangailangan sa isang komunidad o kaya naman ay kung saan gagawin ‘yung relief operation.
Ang problema nga lang, katulad nu'ng pinuntahan namin kanina sa Barangay P. Zamora, atrasadong ipinamigay ng barangay ‘yung mga ticket kaya ang kadulu-duluhan nu'ng relief operation, nag-unahan ang mga tao sa pagpila.
Nang mamigay ang Philippine Red Cross ng relief kanina, panakbuhan ang mga tao sa pila.
Mga lalaki ang nanguna sa takbuhan, kaya mga lalaki ang karamihan ng nakapila.
Mayroon ding nakakuha na pero ayaw pang umalis at nagbabakasakaling makakuha pa ulit ng relief goods.
“Maghintay pa kami dito. Mamaya na lang hapon kami uuwi,” sabi ni Josie Balanza.
Kaya kahit sakto sana para sa lahat ang ipinamimigay, mayroong ‘di nakatanggap at mangiyak-ngiyak na nagreklamo.
Sana raw ay hindi dumodoble ang mga kasama nila.
“Maaga [pa kami naandito], alas-6 pa kami ng umaga,” sabi ni Grace Nacion, isa sa mga ‘di nakakuha ng relief goods.
Pero sa relief operations sa kabilang barangay, maayos naman ang distribusyon.
Nakalista ang mga mabibigyan at isa-isang tinatawag para kunin ang para sa kanila.
Sabi ng Red Cross, ganito dapat ang ginawa sa naunang barangay na pinuntahan nila.
“Magulo doon dahil pabalik-balik ang tao eh. 'Pag nakakuha na sila ng relief goods, papapila ulit sila at kukuha ulit ng sticker, nagkakagulo,” sabi ni Migz Zubiri, governor ng Philippine Red Cross.
Sa labas ng bahay ng mayor sa Poblacion, sandamukal ang mga taong nakapila.
“Manghihingi kami ng bigas. Sabi, magbibigay sila ng bigas,” sabi ng isang nasa pila.
Kaya tinanong ko agad si mayor.
“Ganoon ‘yan 'pag mayor ka eh. Actually nandito na ‘yan kahapon, 'pag sinabi mong wala, ako pupunta diyan, siyempre magmumura ‘yan. Magagalit na naman,” sabi ni Guihulngan Mayor Ernesto Reyes.
Sa bahay ni mayor nire-repack ang mga relief goods kaya akala ng mga tao, mamimigay si mayor.
Pero nilinaw ng alkalde na ang nire-repack nila ay para sa lahat ng barangay at hindi lang para sa mga kapitbahay niya.
“Parang election, na marking dito, nilagay natin ‘yung indelible ink, ‘yun. Pero tinatanggal pa din. Marunong, may paraan sila. Binubura nila, pagkatapos pila naman ulit,” sabi ni Reyes.
Kung ‘di pa nakiusap kanina ang mga pulis, hindi mag-aalisan sa pila ang mga kapitbahay ng mayor.
Personal na pumunta kanina rito si Governor Roel Degamo at inalam kung totoo ‘yung napapabalitang hoarding ng mga relief goods at kinausap na din si mayor tungkol sa sumbong na ito.
Tiniyak ni Governor Degamo na wala namang iniipit na relief goods at tuluy-tuloy ang gagawin nilang relief operation hanggang mayroong supply.
02/14/2012 9:53 PM







