'Tent city' sa CDO, babad sa ulan
Walang tigil ang buhos ng ulan kagabi sa Cagayan de Oro City.
Hindi tuloy maiwasan ng ilang residente ang mangamba lalo't sariwa pa sa kanilang isipan ang nangyaring trahedya ng bagyong Sendong.
Natakot ang mga nakatira sa 'tent city' sa Barangay Calaanan matapos pasukin ng tubig ang kanilang tinitirhan.
Ang mag-asawang Eduardo at Saturnina Simorlan, pinagpatung-patong na lang kanilang mga gamit at sa labas na sila natulog.
“Abot-tuhod talaga ‘yung tubig. Lumabas kami para ‘di mabutas ‘yung tent. Nangangamba kami baka maulit muli ‘yung nangyari noon,” sabi ni Eduardo.
Dahil wala pa ring madaluyan ng tubig, binaha ang tent city.
“Sana itong tubig sa kanal may labasan,” sabi ni Gloria Dalla, isa sa mga residente.
Kinaumagahan, humupa na ang baha pero nag-iwan naman ito ng matinding putik.
Kaya ang nagbabalik na residente, kanya-kanyang linis ng kanilang tent.
“Mistulang water bed na sa amin, nataranta kami gaya kagabi,” sabi ng residenteng si Epiphany Degala.
“Wala kaming tulog halos dahil pumasok na ang tubig,” sabi naman ni Rebecca Tordaneso.
Ayon sa city engineer, talagang mababa ang kinalalagyan ng tent city kaya madaling bahain.
“Ang kanal kasi 6 inches lang kalaki, hindi kakayanin ang dami ng tubig sa tent site, dahil noon nagka-water log na siya, diyan naiipon ang tubig,” sabi ni Engr. Mario Batar.
Sa susunod na mga araw, huhukayin muli ang mga kanal at magtatambak ng lupa para maibsan ang pagbaha sa tent city. Trini Velasco, Patrol ng Pilipino sa Cagayan de Oro
02/14/2012 10:08 PM







