2 dambuhalang buwaya, nahuli sa Palawan


Nakatali pa sa kawayan at nakatakip ang mga mata nang dalhin sa Crocodile Farm ang dalawang nahuling buwaya sa Bataraza, Palawan.

Dahil nahuli ang mga ito kahapon, Araw ng mga Puso, pinangalanang Valentino ang lalaking buwaya na may sukat na 16 na talampakan. Valentina naman ang ipinangalan sa babaeng buwaya na may habang 10 talampakan.

Nahuli ang dalawa dahil na rin sa reklamo ng mga taga-Bataraza na isang mangingisda ang nakagat ng buwaya.

Nagpapasalamat ang mga residente na nahuli ang dalawa, pero hindi pa rin nila maalis ang mangamba.

“Kaya sila pumupunta dito sa taas, maaaring wala nang pagkain sa ibaba o wala na silang matirahan doon,” sabi ni Renato Cornel, isang crocodile hunter.

Madaling araw kahapon nang hulihin ang mga buwaya na agad ibinyahe papuntang Crocodile Farm sa Puerto Princesa.

Nagkasugat-sugat ang katawan ng mga buwaya, kaya agad ginamot ang mga ito at tinurukan ng bitamina para manumbalik ang kanilang lakas.

“Binigyan din natin ng multivitamins, injectible, para makatulong sa katawan niya, to support his body,” ayon kay Dr. Glen Rebong ng PWRCC.

Maya-maya pa'y inilagay na sa makapal na tabla si Valentino at isinakay sa forklift para ilipat sa kanyang kulungan. Pero dahil sa bigat nito, nahirapang ilipat ang buwaya at tumirik pa ang forklift. Nagpumiglas pa ito pero agad ding naagapan.

Si Valentina naman ay idineretso na sa breeding area.

Bukod kina Valentino at Valentina, sa Bataraza rin nahuli ang 14 na talampakang buwayang ito noong nakaraang taon na pinaniniwalaang nanakmal ng isang mangingisda.

Pero ang pinakamalaking buwaya sa Crocodile Farm ay si Surigao na nahuli sa Surigao 10 taon na ang nakakalipas.

Hindi raw malayo na pumantay din ito sa kilalang pinakamalaking buwaya sa Agusan na si Lolong. Butch Mendizabal, Patrol ng Pilipino sa Palawan

02/15/2012 10:38 PMBookmark and Share

1 comment

ANG PINAKA NAKAKATAKOT NA BUHAYA WALA SA TUBEG

YUNG MGA NASA GOBYERNO TAGA HAWAK NANG PERA SA PAMAHALAAN PULIS PINAKA NUMERO UNO MGA NAGIGING KILLER PA PAG MATINO KA SA GOBYERNO SASAKMALIN KANNAG MGA BUHAYA NAYAN NAKO BUSUG NABUSUG ANG BUHAYA SA PAMAHALAAN TSK TSK ANG LALAKE NANG MGA BAHAY NAKAKA PANUOD NANG LABAN NI PACMAN ANG MGA BUHAYA TSK TSK PANU KAYA NAG KASYA SA EROPLANO SILA EH ANG HAHABA NANG BUNTOT NANG MGA BUHAYA NAYAN TSK TSK ..

ASSASIN666