P320K pabuya para dakpin ang killer ng Laguna businessman
Patay sa walong tama ng bala ng kalibre .45 ang negosyanteng si Juan Gatdula Jr. sa Manila East Road sa Famy, Laguna.
Hinarang si Gatdula ng riding-in-tandem habang nagbibisikleta at pinagbabaril.
Dead on the spot din ang kasama niyang bodyguard na si Teotimo Maalala na siyang unang tinarget ng mga gunman.
Matagal na umanong may banta sa buhay ng negosyante kaya may kasama palaging bodyguard.
Personal at pulitika ang unang motibong nakikita ng pulisya sa ambush.
Malaki kasi ang naitutulong ni Gatdula bilang negosyante sa bayan ng Sta. Maria, Laguna kung saan ito nakatira.
“Sa puso ko, alam ko sa isip ko. Iisa lang ang mastermind. Marami ang galit at marami ang naiinggit,” sabi ni Maricar Gatdula, asawa ng biktima.
Kaagad na nag-alok ng P320,000 ang pamahalaan ng Laguna sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon para mahuli ang mga suspect.
“Kinokondena ng buong bayan ng Sta. Maria at dahil nga dito, may mga taong nagbigay na ng pabuya para mahuli ang may kagagawan nito,” sabi ni Sta. Maria Mayor Antonio Carolino.
Inilbas din nila ang artist sketch ng dalawang suspek.
Nasa 40 anyos ang isang suspek, medium-built at nasa 5’6” ang taas.
Habang ang ikalawa naman ay medium-built din, mga 5’4” ang taas, tinatayang 30 anyos at armado ng kalibre .45 na baril.
“Sa imbestigasyon naming ginagawa, ito ay pinag-aralan, na-pattern ang biktima at noong nakatiyempo ay isinagawa,” sabi ni Senior Supt. Gilbert Cruz, provincial director ng Laguna.
Ayon sa pulisya, mga hired killer ang mga bumaril sa negosyante.
May lead na rin silang sinusundan. Gus Abelgas, Patrol ng Pilipino
02/15/2012 11:24 PM







