Retrieval ops sa Negros, ihihinto na sa Biyernes
Sampung araw nang nakatingin sa gumuhong bundok sa Barangay Solunggun sa bayan na La Libertad si Nanay Alejandra Curativo.
Bagama't hindi na umaasang buhay pa ang walo sa kanyang kaanak na pinaniniwalang natabunan, gusto pa raw niyang mabigyang ng maayos na libing ang mga ito.
“Para sa akin na may kapamilya diyan, tanggap na namin. Wala kaming magagawa kung hindi magdasal na lang,” sabi ni Alejandra.
Sa gitna ng mga pagyanig ng lupa o kaya naman ay sa pagbuhos ng ulan, patuloy ang paghuhukay ng mga awtoridad.
Pero sa 42 nawawala, apat lamang ang kanilang nahanap.
Ang huling labi, noong Linggo pa natagpuan.
Kanina, dumating na si Metropolitan Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino para kumustahin ang kanyang mga tauhan na higit isang linggo nang naghuhukay.
Kasama ng lokal na mga pulis at iilang military, sila na lamang ang naiwan sa site matapos mag-alisan na ang mga nag-volunteer na minero.
Sa rekomendasyon daw ni National Disaster Risk Reduction Management Council executive director Benito Ramos, tatapusin na sa Biyernes ang operasyon.
“Ginawa lahat ng naandito pati na ang AFP, MMDA at kapulisan ang lahat ng dapat gawin at sana maunawaan din ng mga residente dito,” sabi ni Tolentino. Isang anunsyo na alam na ni Nanay Alejandra na darating pero masakit pa rin daw na tanggapin.
“Kung hanggang Friday na lang, wala na kaming magagawa kung hindi magdasal kasi nakita naman namin na lahat ng mga agency may ginawa diyan, pero wala namang ibang paraan,” sabi ni Alejandra.
Para matulungan ang mga tulad ni Aling Alejandra na walang labing paglalamayan, plano ng lokal na pamahalaan na magsagawa ng misa sa lugar na pinagguhuan.
02/15/2012 10:57 PM







