6 patay sa atake sa barangay sa Zamboanga

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Magkayakap pa ang mag-inang ito nang abutan ng mga pulis sa loob ng kanilang bahay sa Lapuyan, Zamboanga del Sur. Tadtad sila ng bala at pinagtataga pa.

"Bago siya binaril, tinaga muna siya [sa leeg]," sabi kapatid ng mga biktima na si Nelson Daano.

Sinugod pala ng mga armadong lalaki ang kanilang barangay. Tatlo pang bahay ang niratrat ng mga suspek.

Bukod sa mag-ina, apat na iba pa ang patay at siyam ang sugatan.

Si Dennis Banghulot, namatayan ng ama, kapatid at pamangkin. Sugatan din daw ang tatlo pa niyang mga kapatid.

“‘Di ko na alam ang gagawin ko eh, kasi naguguluhan ang isip ko," sabi ni Banghulot.

Nakaligtas naman sa massacre ang mag-amang Ringo at Reynan Bayamban pero patay ang isa pa niyang anak.

Ayon sa pulisya, grupo ng magkapatid na sina Ami at Pahad Andi ang responsable sa masaker bilang ganti sa pagkapatay sa kapatid nilang si Samang Andi noong nakaraaang linggo.

Wanted siya sa kasong pagpatay at pangingikil.

“Ito 'yung grupo nag-lead ngayon. They retaliated on those who they suspected na mga sibilyan na allegedly 'yung pinagdudahan nila na nagbigay ng impormasyon sa mga pulis," sabi ni Senior Supt. Bayani Gucela.

Sabi pa ni Mayor Daylinda Sulong, “Ang pulis [namin] kulang, limitado ang mga pulis, wala naman silang long arm. Long arm ng pulis ko dito, apat lang."

Nagmistulang ghost town ang Barangay Tininghilang dahil nag-alisan ang mga residente sa takot. RJ Rosalado, Patrol ng Pilipino, Lapuyan, Zamboanga del Sur

02/24/2012 10:35 PM