'Amerasians,' buhay na alaala ng dating US base sa Olongapo

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Noong meron pang US base sa Olongapo, kaliwa't kanan ang bahay-aliwan dito na naging pugad ng mga sundalong Kano.

Ngayon, iba na ang Olongapo.

Wala na ang bakas ng mga naglalakihan at maingay na bahay-aliwan sa Magsaysay Drive. Pero merong mga buhay na alaala, katulad ni Catherine.

Pinay ang nanay ni Catherine, si Zenaida, na bar girl noon dito sa 'Gapo.

Nagpakasal noon sa isang US serviceman, pruweba ang mga sulat noon ng lola sa Amerika na nagsabing tutulungan pa silang makarating sa Amerika at makapiling ang ama. Pero hindi rin sila binalikan ng ama.

Lumaki si Catherine na walang tatay.

“Malungkot din kasi iniisip mo na may tatay ka, katabi mo, pero wala,” sabi ni Catherine.

Sa kahihintay, umibig muli sa ibang servicemen si Zenaida.

Nagkaanak din siya sa tatlong lalaking naka-relasyon niya. Sabi ni Catherine, mahirap lumaki ‘pag kakaiba ang kulay mo sa mga batang kasabay mong lumalaki.

“Tatawagin kang negra, ganu'n,” sabi ni Catherine.

Ani Zenaida, “Masakit din, pero sabi ko, 'Bakit, sino negra? Tingnan mo nga kulay mo. Kulot nga lang anak ko, pero ‘di naman ano, katulad mo, tingnan mo gusgusin.' ‘Yun ang inaano ko sa mga bata.”

Ayon sa Buklod, isang drop-in center ng mga prostitutes sa Olongapo, isa lamang si Catherine sa halos 8,000 Amerasians na inabandona noon ng mga Amerikano rito nang iwanan nila ang mga base militar dito sa Pilipinas.

Taong 1993 nang dalhin nila sa korte ng San Francisco, California ang class suit para habulin ang mga sundalong Kano at bigyan ng pagkilala at suporta ang mga anak nilang iniwan dito sa bansa.

Pero wala ring nangyari.

“Dismissed ‘yung kaso. Wala na daw sa duty ‘yung mga Amerikano. Nung nabuntis ‘yung babae o kaya nagkaanak sila doon, hindi dahil duty sila, dahil hindi na sila duty, kaya hindi rin sagutin ng US government,” sabi ni Alma Bulawan, pangulo ng Buklod.

Para sa NGO (non-government organization) na nag-aalaga sa mga babae at kabataang inabuso noon ng mga sundalong Kano, isa lang ang dahilan kung bakit tinalikuran ng Amerika ang mga anak nila dito.

Mababa ang tingin ng mga sundalong Kano sa mga Pilipina.

Paliwanag ni Alex Hermoso, program director ng PREDA Foundation, “dahil nga ikaw ay prostitute, walang nagsasabi sa batas na may karapatan sa anumang mga benepisyo ang isang prostitute. ‘Yung pagdating sa mga bata, these are Americans at bakit naman ‘di sila deserving sa the same treatment na nakuha ng mga Vietnamese?”

Babalik na sa dalampasigang ito si G.I. Joe at naghihintay pa rin ang mga Amerasians ng 'Gapo sa pagdating ng tatay nila. Jorge Carino, Patrol ng Pilipino, Olongapo

03/06/2012 11:25 PM