Bacolod twister caught on video

Posted at 03/29/2012 10:43 PM
Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Sa cell phone video na ito kitang-kita ang hagupit ng buhawi nang tumama sa Bacolod City kaninang tanghali.

Basag ang ilang bahagi ng bagong tayong gusali ng Chamber Volunteer.

Sugatan si Ivan Flores na pababa sana sa gusali para itabi ang kanyang sasakyan.

“Sumabog ang salamin. Tumama sa akin," sabi ni Flores.

Nasira naman ang pader ng Vallacar Transit, natumba ang ilang mga puno at natamaan ang karinderya ng pamilya Artos sa Bacolod Shopping Center.

Mabuti na lang ay walang nasaktan sa kanila.

“Narinig namin nalaglag ang mga kristal sa kabila. Agad-agad kaming tumawid sa bangko dahil kung hindi kami lumabas, nadaganan kami diyan,” sabi ni Argie Artus, may-ari ng karinderya.

“Malakas ang hangin, umulan at saka bumalik. Pagbalik natumba ang mga kahoy,” sabi ni Joseph Aguanta, kumakain sa karinderya.

Sa mga larawan na kuha ng Bayan Patroller na si Andre Tagamolila, ang director ng student affairs ng De la Salle University Bacolod, ilang mga sasakyan ang natamaan din ng mga natumbang puno at iba pang pinsala dulot ng buhawi.

Agad naman pinutol ng Chamber Volunteers ang mga natumbang puno habang ang mga batang ito ay abala naman sa pagkuha ng mga yero na tinangay ng ipu-ipo.

Sa ngayon, walang kuryente ang ilang bahagi ng Bacolod City. Ragie Mae Arellano, Patrol ng Pilipino sa Bacolod