Karatulang 'bato for sale' nagtulak sa raid

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Magkakasabay na sinalakay ng Laguna Special Task Group at Sta. Cruz Police ang tatlong bahay sa Barangay Santisima kasabay ng pagbuhos ng ulan kanina.

‘Di na nakapalag pa si Jay Michellena na agad nakunan ng siyam na sachet ng hinihinalang shabu at pera.

Aminado naman siya sa krimen.

“Nito lang ako nagsimula,” sabi ng suspek.

‘Di rin lingid sa kaalaman ng mga tagaroon ang umano'y talamak na kalakalan ng droga.

“Hindi naman kami makakilos, hindi kami makadampot, wala kaming kasamang mga nasa narcotics,” sabi ng Freddie Sanbuenaventua ng barangay police.

Nakatawag pansin pa sa awtoridad ang mga nakapaskil na karatulang "ice bato for sale."

“Minsan ‘yung ‘ice’ ang tawag sa shabu, Tinagalog pa nila, ‘bato,’” sabi ni Supt. Dennis Macalintal, hepe ng Sta. Cruz PNP.

Pero sagot ng suspek...

“Yelo ‘yung pinagbebenta nila. Bato ‘yung tawag nila doon eh,” sabi ni Michellena.

Nakuwestyon din si Jun na graduating pa naman ang anak.

Nakatakas naman sina Amirodin Mustafah at Allan Malapaya na pakay din ng grupo.

Pareho silang nasa drugs watchlist ng Laguna.

Pero narekober sa bahay ng dalawa ang higit sa 20 pang sachet ng shabu na naibebenta ng P500 piso bawat isa.

Mayroon ding paraphernalia at cash.

Nakita rin ang isang text message sa cell phone ni Malapaya na nagbabala sa operasyon.

Ayon sa kinakasama niya, umalis agad ang suspek pagkatanggap nito.

“Lagi ko nga pong pinapagsabihan, alam ko mga isang buwan na siyang hindi naggaganyan,“ sabi ni Joyce, na kinakasama ng suspek.

Nakita rin ang lagusan sa bahay nila na tinabingan pa ng kurtina.

Kasamang kakasuhan sina Joyce at ang asawa ni Mustafah na si Vivian Ampatuan.

Tuloy naman ang hot pursuit operation ng pulis laban sa dalawa. Francis Faulve, Patrol ng Pilipino

03/29/2012 11:37 PM