Isa sugatan sa karambola ng 4 sasakyan sa NLEX

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Wasak ang Toyota Vios at Suzuki Vitara matapos mapuruhan sa nangyaring karambola ng apat na sasakyan kagabi sa northbound lane ng North Luzon Expressway.

May tama din ang Mitsubishi Pajero at Ford Fierra na ito.

Sugatan ang driver ng Vitara, na agad dinala sa ospital.

Kuwento ng driver ng Fierra, nasiraan at inaayos niya ang kanyang sasakyan nang bigla siyang bungguin ng rumaragasang Pajero.

“Hindi ko na puwede itabi kasi wala na ‘yung gulong sa likod, hindi na rin siya makatakbo. Kaya nandito na lang siya, naglagay na lang kaagad ng early warning device,” sabi ni Robin Legisma.

Ayon naman sa nagmamaneho ng Pajero, hindi niya agad nakita ang warning device ng nasiraang sasakyan.

“Hindi ko nga alam na tao siya, kasi from afar parang whitish lang akala ko nga barrier lang. so nag-slow down ako pero unfortunately by the time I slowed down, I was super near the triangle,” sabi ni Lea Madeo.

Iniimbestigahan na ng awtoridad kung sino ang may sala sa aksidente para masampahan ng kaukulang kaso.

Sa ‘di kalayuan, tumagilid ang isang truck na may kargang fish meal, matapos kaladkarin ng nakabuntot na 14-wheeler sa southbound lane ng NLEx.

Kuwento ng driver ng truck na si Renato Gonzales, may iniwasan siyang van kaya bigla syang kumabig pakaliwa.

Dito na raw siya natumbok ng truck na minamaneho ni Arnold Cortez, na nakapiit na ngayon sa Valenzuela Police Headquarters sa kasong reckless imprudence resulting in damage to property.

Dagsa pauwi ang mga biyahero at magbabakasyon sa Semana Santa kaya payo ng awtoridad, mag-ingat sa pagmamaneho at maghinay-hinay lang sa pagpapatakbo para makaiwas sa aksidente. Raffy Santos, Patrol ng Pilipino

04/03/2012 10:36 PM