Mga pasahero sa pantalan dumagsa na

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Maghapong dumating ang mga pasahero sa Batangas port. Tumaas man ang pamasahe ng ilang shipping lines at todo-higpit man ang seguridad, hindi nagpapaapekto ang maraming naglalakbay. Live mula sa Batangas port, nagpa-Patrol si Atom Araullo. TV Patrol, Abril 4, 2012, Miyerkules

Umaga pa lamang, napakarami nang pasahero dito sa Batangas port. Medyo bumagal nang kaunti ang dating ng mga tao bago magtanghali, pero muling bumuhos bandang hapon. Marami rito dumiretso na galing opisina para agad simulan ang kanilang bakasyon.

Simula na ng bakasyon para sa marami. Pero kailangan muna nilang malampasan ang hassle sa pantalan. Mabilis maubos ang mga ticket, at sobrang higpit din ng seguridad.

“Nag-issue sila ng ticket na walang higaan, kumbaga lumalabas, parang chance passenger lang kami,” sabi ng isang pasahero.

“Mas maganda, mas mahigpit para sa seguridad ng mga tao, lalo na sa mga turista na lumuluwas sa Pilipinas,” anang isa pa.

“Siyempre kailangan maging masaya kasi kung magpapadala tayo sa mga pangyayari, wala rin,” sabi ng isa pang pasahero.

Ang ilang shipping lines, nagtaas pa ng pamasahe ng P50 hanggang P100. Inaprubahan ito ng Marina dahil umano sa mas mataas na presyo ng diesel.

Pero hindi maganda ang simula ng bakasyon para sa iba. Ang kasambahay na si Lucy, ninakawan ng wallet habang sakay ng barko galing Roxas City.

“Iniwan ko sa katabi ko ‘yung bag ko. Nag-CR ako, pagbalik ko bukas na ‘yung bag ko, tapos wala na ang wallet. Sana ‘yung nakakuha ng pera ko makunsensya naman,” sabi ni Lucy Molina.

Samantala, maingat na tinitimbang ang mga bus at truck sa gate pa lamang. Tinitignan din kung maayos ang loading nito sa mga RORO.

Muli namang siniguro ng coast guard na handa sila sakaling magkaroon ng sakuna.

“Mayroon kaming naka-ready diyan na barko, ‘yung 3501 na puwedeng mag-search and rescue kaagad,” sabi ni Eduardo Gongona ng PCG.

Nananatili namang maganda ang panahon sa Batangas na paborable raw sa paglalakbay sa dagat.

Hanggang bukas inaasahang marami pa ring pasahero ang pupunta dito sa pantalan. Pero pagdating ng Biyernes, pwedeng mag-half day na lang ang ilang shipping lines kung kaunti na lang ang bibiyahe. Atom Araullo, Patrol ng Pilipino

04/04/2012 10:52 PM