EXCL: Binay top endorser ng senatorial bets, ayon sa survey

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Kung sa showbiz ay may mga top endorser ng iba't ibang produkto, sa pulitika ay mayroon ding top campaigner ng mga kandidato.

Ayon sa survey ng Pulse Asia na nakuha ng ABS-CBN News, si Vice President Jejomar Binay ang top endorser pagdating sa mga tatakbong senador.

May 73% o higit pito sa sampung tinanong ng Pulse Asia ang nagsabing sigurado o malamang na iboto nila ang kandidatong ieendorso ni Binay.

May 20% naman ang hindi.

“Sa ngayon, siya rin ang pinakamataas ang trust rating, siya rin ang pinakamataas na approval rating so hindi naman nakakagulat,” sabi ni Dr. Ana Maria Tabunda ng Pulse Asia Inc.

May 66% naman ang boboto sa susuportahan ni Pangulong Aquino at 25% ang ayaw sa kandidato ni PNoy.

Kalahati ng mga sinurvey o 51% naman daw ang boboto sa senatorial candidates ni dating Pangulong Joseph Estrada habang 39% ang ayaw sa mga manok ni Erap.

May 7% lang o wala pang isa sa bawat 10 ang boboto sa ieendorso ni former President Gloria Arroyo habang 82% naman ang hindi boboto sa kandidato ni GMA.

Pero hindi ibig sabihin na iboboto ng mga tao ang kung sinu-sino na lang kahit pa suportado nina Binay at PNoy.

“Baka ang basic assumption nila diyan, nagma-match ang personality ng nag-e-endorse at saka ng kandidato. Kailangan makita ng ating publiko na meron namang ugnayan talaga,” sabi ni Tabunda.

Kapag hindi raw nagtugma ang endorser at kandidato, baka walang epekto ang endorsement o ‘di kaya'y makasama pa sa kanilang dalawa. Lynda Jumilla, Patrol ng Pilipino

04/16/2012 10:14 PM