EXCL: P18 milyon na iligal na troso, nasabat

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Gamit ang jetski, unang sinurveillance ng pulisya ang ilang barangay sa Cavinti at Kalayaan, Laguna.

Lulan naman ng helicopter, kitang-kita ang ebidensya ng pag-uuling at tistisan ng iligal na troso sa lugar.

“Ngayong tag-init ay in-intensify natin ang forest protection. Ito ang panahon na ang mga kababayan natin ay pumupunta sa kagubatan natin para magputol,” sabi ni Reynulfo Juan, regional director ng DENR Region 4-A.

Kahapon, muling sinalakay ng mga operatiba ang magkakalapit na coastal barangay kung saan naabutan nila ang paparating na mga troso mula sa Infanta at Real, Quezon.

Nakatali pa ang mga ito sa bangka.

Tinangka ring ilubog at itago sa lawa ang isang makina.

Pero nakatakas ang mga nag-o-operate nito.

“Nakapaligid dito ay mga puno at halaman na kung hindi mo aakyatin ay hindi mo makikita,” sabi ni Senior Supt. Gilbert Cruz, provincial director ng Laguna PNP.

Ayon sa Department of Interior and Local Government, iimbestigahan nila ang mga opisyal ng barangay sa mga lugar at isasama sila sa asunto kung makakakuha ng ebidensyang pinoprotektahan nila ang iligal na gawain doon.

Nakipag-ugnayan naman ang Department of Environment and Natural Resources sa mga awtoridad sa lalawigan ng Quezon para paigtingin ang pagbabantay.

“Identify din namin ang mga ruta, kasama dito ang Laguna at bibigyan namin ng pansin,” sabi ni Juan.

Sa kabuuan, umabot sa 200,000 board feet ang mga tablang nasamsam na tinatayang nagkakahalaga ng P18 milyon, kabilang ang mga sasakyan, motor at iba pang gamit sa bansuhan at tistisan ng mga troso.

Gagawing upuan sa eskuwela ang mga tabla para sa pasukan.

Nakapanukala na rin ang pagpapalawig ng parehong operasyon sa forested areas sa buong bansa. Francis Faulve, Patrol ng Pilipino

04/17/2012 10:58 PM