EXCL: Dolphin na ni-rescue sa Hundred Islands namatay


Bumiyahe ang mga tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Hundred Islands National Park sa Alaminos, Pangasinan.

Target nilang sagipin ang isa't kalahating metrong dolphin na naipit sa baklad kahapon.

Ibinalita ito sa kanila ng mga mangingisda.

“Sabi ko sa kanila may nakita akong dolphin sa baklad. Sabi niya sa akin i-report sa Fisheries para gamutin nila,” kuwento ni Edmong Laso, caretaker ng baklad.

Sumaklolo rin ang City Veterinary Office. Binalot nila ng tela ang dolphin at pinagtulungang buhatin sa pasilidad ng BFAR para magamot.

Base sa physical examination, nakitaan ng malalim na sugat sa gitnang bahagi ng katawan ang pan-tropical spotted dolphin na kabilang sa endangered species.

Pinangalanan nila itong "Galila" dahil natagpuan sa misong araw ng fiesta ng lungsod.

“Mahina siya kasi dehydrated siya,” sabi ni Dr. Ronaldo Abarra ng City Veterinary Office.

Pero bago pa man mai-turnover sa Ocean Adventure sa Subic, binawian din ng buhay ang dolphin matapos hindi kayanin ang mga sugat sa katawan.

Ililibing si Galila sa fish cemetery sa BFAR-Dagupan. John Germono, Patrol ng Pilipino, Pangasinan

04/30/2012 10:37 PM