Iloilo Airport may kuryente na uli

Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Ito ang eksena sa Iloilo Airport kagabi -- madilim, mainit at galit ang mga pasahero.

Kinansela kasi ang mga flight matapos masunog ang universal power supply ng airport.

Nagagalit ang mga pasahero dahil walang paliwanag mula sa airport o sa mga airlines.

“Dapat may free accommodation man lang sila sa amin. Hindi parang walang nangyari,” sabi ng isang pasahero.

“Wala, wala, wala. Pagdating namin dito, wala man lang nagsasabi na walang kuryente,” sabi pa ng isang pasahero.

Inulan ng reklamo ang mga airlines.

Ang iba ay sa airport na nagpalipas ng gabi.

Marami ang nakasalampak sa sahig at ilaw lang sa cell phone ang nagsilbing liwanag nila.

Damay-damay na rin ang perwisyo ng pagkansela ng flights sa Iloilo.

Ang Airphil Express flights papuntang Iloilo mula Davao, sa Cebu na lumapag.

Dismayado ang ilan dahil pinababalik daw sila ng airline sa Davao.

Bandang alas-9 kagabi bumalik ang suplay ng kuryente sa airport pero kaninang umaga lang nanumbalik sa normal ang flights.

Tumanggi pa ring magbigay ng paliwanag ang Civil Aviation Authority of the Philippines tungkol sa nangyari at kung bakit walang emergency generator na magagamit sa Iloilo Airport na itinuturing na isa sa pinakamoderno sa bansa. Jennifer Garcia, Patrol ng Pilipino sa Iloilo

05/02/2012 9:59 PM