Mga sangay ng gobyerno, nakaalerto na kay 'Butchoy'

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Wala pa mang pumapasok na bagyo sa bansa, wala nang tigil ang pag-ulan dahil sa low pressure area sa Mindanao.

Pito na ang patay dahil sa masungit na lagay ng panahon.

Lima rito ang mula sa lumubog na MV Joselle II sa Palawan kung saan kasama ang isang sanggol.

Dalawa naman ang namatay at isa ang nawawala dahil sa flashfloods sa Mindanao.

Sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, mahigit 3,000 pamilya ang apektado ng flashfloods sa Bukidnon, North Cotabato, Maguindanao, Saranggani at Sultan Kudarat

Dahil sa inaasahang pagpasok ng bagyong Butchoy sa Philippine Area of Responsibility bukas ng gabi hanggang Biyernes, naka-blue alert na ang NDRRMC at ang iba't ibang ahensya ng gobyerno tulad ng PAGASA, Department of Social Welfare and Development, Department of Interior and Local Government, Department of Health at iba pa.

“Ano bang gagawin mo kung ikaw ay DSWD? Naka-[prepare] ka na ba ng pagkain? Mahirap ang magdala roon. Kung nasira na ang tulay, nasira na ang mga kalsada, pre-position ka,” sabi ni NDRRMC Executive Director Benito Ramos.

Ipinagbawal na rin ng NDRRMC ang pangingisda sa Palawan area, gayundin sa silangang bahagi ng bansa na posibleng daanan ng bagyo tulad ng Bicol hanggang sa Samar, Surigao at Davao.

Pero bahala na raw ang coast guard na maglabas ng mga advisory ukol sa paglalayag depende sa sitwasyon sa kanilang lugar.

“Kung pumasok na ang bagyo, kung hindi importante ay huwag tayong magbiyahe,” sabi ni Ramos.

Tiniyak ng NDRRMC na nabigyan na ng babala ang lokal na pamahalaan sa mga apektadong lalawigan para matiyak na zero casualty sa pagdating ng bagyo. Jing Castañeda, Patrol ng Pilipino

06/13/2012 9:22 PM