Kaugnayan ng Jordanian journalist sa Al Qaeda, iniimbestigahan

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Iniimbestigahan ngayon ng Western Mindanao Command (WesMinCom) ang katauhan ng Jordanian journalist na si Baker Atyani, na naiulat na nawawala sa Sulu.

Ito'y matapos mapaulat na posibleng may kaugnayan sa teroristang grupong Al Qaeda si Atyani.

“All angles are being considered but of course we have to confirm that, in order for us to have the right response,” sabi ni Maj. Gen. Noel Coballes, commander ng WesMincom.

Ayon sa pulisya, maluwag pa rin umanong nakakagalaw sa kampo ng mga bandido si Atyani at ang dalawang Pinoy na kasamahan nito.

“Hindi siya sinasaktan, walang mental o physical depravation. Ang ano lang po, confined lang sila sa isang area dahil gumagawa nga sila ng storya,” sabi ni Chief Supt. Mario Avenido, regional director ng PRO 9.

“Declared missing pa rin sila. Hindi pa namin puwede sabihing they were kidnapped kasi wala pa namang umaako, basta Abu Sayyaf lang. Napakadaming Abu Sayyaf. Kasi usually naman mayroon namang umaako, this is the first time na walang lumulutang,” sabi naman ni Directorate for Integrated Police Operations ng Western Mindanao Director Chief Supt. Manuel Barcena.

Pero kung ang dating bihag ng Abu Sayyaf Group na si Prof. Octavio Dinampo ang tatanungin, naniniwala siyang bilang isang Muslim, hindi bihag ng mga bandido si Atyani.

Gaya ng kanyang karanasan noong 2008, sinabihan umano siya ng mga kidnapper na maaari siyang umalis kahit anong oras pero kailangang maiwan sina Ces Drilon at ang dalawa nitong crew.

Posible rin daw pagbayarin si Atyani.

“The Jordanian, in as much as he is a Muslim, is literally not kidnapped but I think the group that got them will not make an issue if they will gain out of the Jordanian maybe boarding, lodging or ransom,” sabi ni Dinampo.

Sa impormasyong nakalap ni Dinampo, hindi si Yasser Igasan ang pinuntahan ng grupo ni Atyani kundi isang nagngangalang Commander Tuan Nadzmir Alih, umano'y adopted son ni Abu Sayyaf Group founder Abdurajak Janjalani.

Naniniwala si Dinampo na marami pang ibang media ang mangangahas na pumunta ng Sulu para makakuha ng ekslusibong panayam sa Abu Sayyaff. Queenie Casimiro, Patrol ng Pilipino sa Zamboanga

06/19/2012 9:45 PM