Tuluy-tuloy na ulan nagdulot ng baha sa bahagi ng Luzon


Naabutan pa naming naglilikas ng gamit ang pamilya ni Aling Darcela Cordoba sa Olongapo City matapos silang bahain kaninang umaga.

Nagsimula pa noong Sabado ng hapon ang tuloy-tuloy na pag-ulan sa Olongapo City na nagdulot ng pag-apaw ng tubig sa creek at ilog.

Apat na barangay ang naapektuhan, kabilang ang Mabayuan, Santa Rita, Gordon Heights at New Ilalim.

Binaha rin ang tindahan ni Mang Sunday Coquillo kaya madaliang inakyat ang mga gamit na kaya pang isalba. Nagkaroon din ng landslide. Isa si Mang Carlo Regis sa muntik nang matabunan ng lupa.

Dakong ala-1 ng hapon, humina ang ulan at humupa na ang baha.

Sa Pampanga, lampas tuhod naman ang baha sa maraming lugar matapos na umapaw ang ilog dahil sa pag-ulan.

Sa Isabela, ilang pasahero naman ang na-stranded dahil hindi pinayagan ng Coast Guard na lumayag ang ilang sasakyang pandagat.

Sa Saluysoy, Meycauayan, Bulacan, hanggang tuhod din ang pagbaha. Ang ilang residente, gumawa na ng balsa na yari sa mga plastic bottles, habang ang ilang mga bata naman, inilikas na kanina sa mas mataas na lugar.

Isang kinse anyos na lalaki naman ang naiulat na nawawala sa Barangay Old Cabalan. Papauwi na ng bahay si Ariel delos Santos nang anurin ng malakas na agos ng tubig kaninang umaga.

Sa ngayon, balik na sa normal ang sitwasyon sa Olongapo, nag-uwian na rin ang mga lumikas sa mga evacuation center. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino

06/20/2011 9:41 PMBookmark and Share