Water hyacinth, naipon sa bunganga ng Rio Grande de Mindanao


Ang sistema kasi, pinaghihiwa-hiwalay lang ‘yung namuong water hyacinths sa may Delta Bridge pero natitipon ulit ito doon sa exit point kung saan sana lalabas ang tubig sa dagat.

Mababaw ang bahaging ‘yun kaya’t bumabara ulit doon ang mga halamang ito.

Pinaghihiwa-hiwalay ng bagong dating na equipment ng DPWH ang mahigit isang ektaryang water hyacinth na bumara sa Delta Bridge ng Cotabato City.

Sinundan namin ang mga water hyacinth na umabot na sa pinakadulo sa Sultan Kudarat.

Dito sa bunganga ng ilog, nagdidikit-dikit ulit ang mga water hyacinth mula sa Delta Bridge. Tipak-tipak at mala-isla na ang laki.

“’Yung tubig hindi makalabas dahil sa water lily na naipon dito. Kaya nga halos lahat ng barangay ng Sultan Kudarat, nalulubog sa baha," sabi ni Kagawad Faisal Dalanda ng Payguan, Sultan Kudarat.

Kahit matanggal daw ang nasa Delta Bridge, babaha pa rin sa Cotabato City, ayon kay Dr. Wahab Salakadang, isang eksperto na 20 taon nang pinag-aaralan ang mga ilog ng Mindanao.

"Maiipon na naman doon ang mga floaters. It will slow down the water current and that will become an island," sabi ni Salakadang

Ayon pa kay Salakadang, kapabayaan ng mga awtoridad ang sanhi ng baha. Sa ilalim umano ng Delta Bridge ay may mga puno ng niyog na ginamit pangsuporta sa konstruksyon noon. Hindi ito inalis kaya’t dito naiipon ang mga water hyacinth.

"If we will not maintain the deepness of Ligwasan marsh, Cotabato City will sink," dagdag ni Salakadang.

Panay ang paghuhukay ng DPWH pero ang pinakamalaking equipment, sira at palutang-lutang lang sa tabi.

Aminado ang DPWH, pondo ang problema sa mga proyekto sa ilog, at posibleng naapektuhan din ang tibay ng Delta Bridge dahil sa mga water hyacinth.

Bukas, nakatakdang dumating dito ang Pangulong Aquino para inspeksyonin ang Rio Grande river, at ang balita sa atin, bukod sa pamimigay ng relief goods, mag-uuwi din daw ng water hyacinth si Pangulo para ilagay sa Palasyo.
 

06/21/2011 10:05 PMBookmark and Share