Bata tinangay mula sa school bus sa Laguna

Watch more shows on iWantv or TFC.tv
Watch more shows on iWantv or TFC.tv

Hanggang ngayon ay inaalam pa rin ng mga pulis ang motibo sa pagdukot sa 7 taong gulang na bata.

Pero ayon sa mga magulang ng dinukot na bata, wala silang alam na kagalit kaya't hindi nila malaman bakit anak lang nila ang kinuha sa 14 na batang sakay ng school bus.

Imbes na sa eskuwelahan, sa presinto tumuloy ang school bus na ito sa Biñan, Laguna kaninang umaga.

Bakas sa mukha ng mga bata ang takot na pinawi ng mainit na yakap ng napasugod nilang mga magulang.

Si Lola Vangie, tumaas ang presyon nang mabalitaang isa ang apong si Khalil sa 14 na sakay ng school bus kung saan may batang na-kidnap.

Kaya ‘di niya mapigilang maiyak nang muling mayakap ang apo.

“Nu’ng nabalitaan ko eh talagang hindi ko alam ang gagawin ko. Mahal na mahal ko ‘yung apo ko. Balak ko ako na lang ang maghahatid at magsusundo,” sabi ni Lola Vangie.

Kung nakauwi na ang 13 studyanteng nakaligtas, halos himatayin naman ang mag-asawang negosyante.

Tanging ang 7 taong gulang at Grade 2 na anak nila ang tinangay ng mga kidnapper.

Kuwento ng konduktor ng school bus na si Flash, kumpleto na ang pasahero nila at palabas na ng Ireneville Subdivision nang mag-o-overtake sana sila sa kotseng pula na napagitna sa dalawang nasiraang trak sa daan.

“Humarang po sa amin ‘yung kotse. Tapos lumabas ‘yung isa na may armalite tapos lumabas din ‘yung dalawa. Tinutukan ‘yung driver tapos pinabubuksan sa bata ‘yung pinto, binuksan naman po,” sabi ni Flash.

Bakas pa ang marka ng baril sa tagiliran ng driver na si Manolo Ocno.

Nakaupo ang bata katabi ng isa pang estudyante nang sapilitang kunin ng mga armadong lalaki.

Wala naman daw naagrabyado o kaaway ang mga magulang ng bata kaya ‘di nila alam kung sino ang may motibo sa krimen.

Laking pagsisisi ng ama ng bata dahil ngayon niya lang hindi naihatid ang anak sa eskwela.

“Wala naman kaming inaaway eh,” sabi ng ama ng bata.

Hinahanap na ng PNP ang pulang sasakyang tumangay sa biktima.

Hindi rin nakatanggap ng ransom demand ang pamilya ng bata.

06/22/2012 11:39 PM