Mga apektado sa pagbaha, umabot na sa mahigit 500,000


Tuluy-tuloy naman sa pagtulong ang DSWD sa mga apektadong pamilya.
 
Sa buong Region 12 mahigit na sa 32,000 na pamilya ang patuloy na tinutulungan ng DSWD.

Pero mas matindi pala ang naging pinsala sa Maguindanao at ito ang ating inikot kanina.

Mula sa ibabaw ay hindi na makita ang pagkakaiba ng ilog, sakahan, at kalsada.
 
Pare-pareho na kasing lubog sa tubig-baha.

Ganito kalawak ang naging pinsala sa probinsiya ng Maguindanao.

Mahigit 500,000 katao ang nagtitiiis ngayon sa mga evacuation centers at sa mga lubog nilang bahay.

“There are 61,740 families yet to be served, so we are in the process of giving relief on affected constituents in Maguindanao," sabi ni Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu.

Trak-trak ng mga relief goods ang ibinabagsak ngayon sa DSWD para sa mga hindi pa nararasyunan.

Tiniyak ng DSWD na sapat ang pagkain para sa Maguindanao.

Sa inspeksyon na ginawa ng Office of Civil Defense at Philippine Army, marami sa mga residente ang nagpaiwan sa mga mistulang lumulutang na bahay.

Nakita naman ang ilang ektarya ng mga water hyacinths na papalapit na sa Delta Bridge.

“They are threatening the communities kung mag-ulan ulit," sabi ni retired Gen. Loreto Rirao, OCD-ARMM director.

Pinag-aaralan na ngayon ng DPWH kung paano nila i-aadjust ang disenyo ng Delta Bridge.

Kwadrado kasi ang mga poste nito kaya’t parang pader na humaharang sa mga water hyacinths.

"Magbi-build up kami ng steel casing na semi-circular para pag nandiyan na ‘yan, we’re hoping na didiretso lang ang mga water lily," sabi ni Engineer Bashir Ibrahim, DPWH district director.

Bukas naman ang Senate committee chairman ng public works na si Bong Revilla na magsagawa ng Senate inquiry sa umano’y maanomalayang P144 million dredging project na hindi natapos mula nang simulan nang 2009.

Mula sa halos 20 ektarya na naipon, wala nang isang ektarya ng water hyacinths ang naiwan sa Delta Bridge.
 
Ayon sa DPWH, posibleng matanggal na nila lahat ito sa darating na Linggo.

06/24/2011 10:59 PMBookmark and Share