Bata sa Antique itinuturing na 'firestarter'


Base sa isang nobela ni Stephen King na ginawang pelikula noong 1984 ang salitang "firestarter," na tumutukoy sa isang karakter na kayang magpasiklab ng apoy na gamit lamang ang pag-iisip.

Pyrokinesis ang tawag sa kakayahang ito.

Para sa mga alagad ng siyensiya, malayo sa tunay na buhay ang kuwentong ito.

Paliwanag ni Percival Almoro ng National Institute of Physics sa UP Diliman, “Wala namang mekanismo para magsalin ng energy from the mind papunta du'n sa bagay o fuel.”

Pero sa San Jose de Buenavista sa probinsiya ng Antique, pinagkaguluhan ang isang bata na umano'y isang buhay na "firestarter."

Patotoo ng mayor ng lugar na si Rony Molina, “I have experienced na kapag sinabi ng bata na masusunog ang unan, masusunog ang unan.”

Maging ang ama ng bata na nagmamaneho ng tricycle ay hindi raw nakaligtas na maranasan ang pagkasunog. Maging ang oras ng insidente ay sakto raw sa oras na sinabi ng kanyang anak.

Dahil sa mga pangyayaring ito, pinabinyagan ng kanyang mga magulang si 'Rose,' 'di niya tunay na pangalan.
 
Pero, isang 'di inaasahang pangyayari ang nakunan ng video sa cellphone ng isa sa mga naging ninang.

“Sunog 'yong papel na nakadikit dun sa bulletin board sa simbahan. May paniniwala ang karamihan na itong bata ay sinusundan ng masamang espirito kahit saan siya pumunta,” paglalahad naman ng reporter mula sa Bombo Radyo Antique na si Paul Petinglay.

Ayon naman sa psychic at tinaguriang spiritual warrior na si Joe Guia, hindi "firestarter" si Rose. Mga hindi nakikitang elemento at ligaw na kaluluwa raw ang gumagawa ng apoy para makapanakit.

Habang pinapalayas niya ang mga ito, nakuhaan din daw ng video sa cellphone ang pagkasunog ng libro na kanyang ginagamit.

“Makikita mo dito. Ito ang panlaban namin sa mga maligno. Pero alam kong tatalunin ko pa rin siya dahil hindi niya napatamaan ang sentro ng Star of David,” sabi niya habang itinuturo ang nasunog diumanong bahagi.

Bukod sa libro at Star of David, nasunog rin daw ang isang payong.

Maging si Rose, nasugatan dahil sa pagkasunog ng ilan nilang mga gamit.

'Di pa rin maipaliwanag ng mga saksi kung ang mga kakaibang pangyayari ay ginagawa sa bata o nanggagaling sa bata mismo. Korina Sanchez, Patrol ng Pilipino

07/22/2011 11:45 PMBookmark and Share