Bb Pilipinas titlist, 2 pa patay sa aksidente


Yuping-yupi ang pulang Toyota Innova nang salpukin ng CG Guevarra bus sa Maharlika Highway sa Barangay Pawili, Bula, Camarines Sur, Sabado bago mag tanghali.

Agad namatay ang tatlo sa apat na sakay ng Asian Utility Vehicle (AUV), kabilang si 2009 Binibining Pilipinas International Melody Adelaide Gersbach; ang make-up artist niyang si Alden Orense; at ang driver na si Santos Ramos Jr.

Lahat sila nagtamo ng matinding tama sa ulo.

Nakaligtas naman ang kasama nilang si Ronald Lita. Agad siyang naisugod sa pagamutan kasabay ang apat na sugatang sakay ng bus.

Sa tindi ng pagkabigla, halos hindi makalapit si Toti Rocha sa bangkay ng kasintahang si Melody.

Galing sina Melody sa Legazpi City at makikipagkita sana sa boyfriend na si Rocha sa Naga City para dumalo sa screening ng Miss Bicolandia kasama ang mga kaibigan.

Pasado alas-dos ng hapon dumating sa punerarya ang ama ni Melody.

Sumuko na sa pulis ang driver na si Wilson de los Santos.

Napatid daw ang tie rod ng kanyang bus kaya hindi na nakontrol ang pagsalpok sa sasakyan nina Melody.

Nahaharap ngayon si Delos Santos sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.

Agad namang nagpaabot ng pakikiramay ang kapwa beauty queen na si Bianca Manalo.

Balak ng pamilya Gersbach na iuwi ngayong gabi sa Legazpi City ang mga labi ni Melody na nakapasok sa top 15 sa Miss International noong isang taon.

Labis ring ikinalungkot ng Binibining Pilipinas Charities, Incorporated ang biglaang pagpanaw ni Gersbach.

Sa pahayag ni Stella Marquez-Araneta, ipinaabot nila ang pakikiramay sa pamilya Gersbach.

Ayon sa grupo, ang pagpanaw ni Melody ay mag-iiwan ng puwang sa kanilang puso at sa lahat ng nakakilala sa beauty queen. -- Jonathan Magistrado, Patrol ng Pilipino

08/21/2010 11:17 PMBookmark and Share