Maulang weekend, inaasahan sa northern luzon


Pabugsu-bugsong ulan at hangin ang gumising sa mga taga-Isabela at Cagayan kaninang umaga.

Bagama't 'di kalakasan ang ulan, nagdulot pa rin ito ng pangamba lalo na sa mga nakatira malapit sa ilog at mga lugar na madalas binabaha.
    
Si Jenny Segovia, nag-eempake na ng mga gamit para mabilis na makalikas sakaling umapaw ang tubig sa ilog.

“Naghahanda na kasi natatakot kami sa hangin at malakas na ulan kaya ililikas namin ang mga bata para makasigurado,” sabi ni Segovia.
        
Ang kapitbahay niyang si Aling Maria Ramones, nakahanda na rin ang mga gamit at ibinili ng bigas ang natitirang P100.

“Pinagkasya ko na lang ‘yung pera kong P100 para may pagkain kami, kawawa naman ‘yung mga anak ko,” sabi ni Ramones.

Nagpalabas na rin ng tubig ang Magat Dam.
 
Tuloy naman ang pakikipagpulong ni Agriculture Secretary Proceso Alcala na nataon sa bagyo ang dalaw sa mga magsasaka.

Sa DSWD, hinahanda na ang mga relief goods.

Naka-standby na rin ang mga trak at rescue groups.
 
Pinayuhan na rin ang mga mangingisdang ipagpaliban muna ang paglalayag.

"Kahapon pa lang ay napag-usapan na at nakipag-ugnayan na ako sa mga local government units at nakahanda naman tayo,” sabi ni Governor Faustino "Bodjie" Dy III.

Sa iba pang bahagi ng northern Luzon, rainy weekend naman ang inaasahan sa Baguio, Benguet at Cordillera.

Ayon sa PAGASA, may isa pang bagyong minamanmanan.

“Ang forecast nila, magme-merge sila pero malayo. Magkasunod na lang siguro,” sabi ni Danny Galati.

Sa bayan naman ng Isabela, Negros Occidental, nananatili sa evacuation center ang mahigit 200 pamilya dahil pa rin sa baha.

Idineklara na ang state of calamity ng lokal na pamahalaan para matulungan ang mga nawalan ng tirahan.

Handa naman ang lokal na pamahalaan ng Isabela at Cagayan na magsagawa ng preemptive evacuation oras na bumuhos ang ulan ngayong gabi.

08/26/2011 9:49 PMBookmark and Share