Signal number 4 nakataas sa northern Cagayan


Lalo pang lumakas ang bagyong si Mina at patuloy pa rin itong nagbabanta sa hilagang Luzon.

Huling namataan si Mina sa layong 150 kilometers north-east ng Casiguran, Aurora.

Napakalakas ng hanging dala ni Mina. Nasa 195 kilometers per hour ang maximum sustained winds ng bagyo at ang pagbugso ay aabot sa 230 km/hr.

Mabagal ang paggalaw nito sa 9 km/hr patungong hilagang kanluran, at inaasahang tatama sa kalupaan sa bahagi ng Santa Ana, Cagayan bukas ng tanghali.

Ngayong gabi pa lamang, maaasahan na ang masungit na panahon sa malaking bahagi ng northern Luzon dahil malawak ang nasasaklaw ng bagyong Mina.

Sa ngayon ay itinaas na ang signal number 4 sa northern Cagayan.

Nasa signal number 3 naman ang Isabela at ilang natitirang bahagi ng Cagayan, kasama na ang Calayan, Babuyan, at ang Batanes group of islands.

Signal number 2 sa northern Aurora, Quirino, Ifugao, Mt. Province, Kalinga at Apayao; at signal number 1 naman sa natitirang bahagi ng Aurora, Nueva Vizcaya, Benguet, Ilocos Sur, Ilocos Norte, at Abra.

Bukod sa malakas na hangin, asahan din ang malakas na ulan na dulot ng bagyong Mina sa maraming bahagi ng bansa, lalo na sa northern Luzon at sa western sections ng Luzon at Visayas. Dulot umano ito ng hanging habagat na pinapatindi ng bagyo.

Para naman sa mga magbabakasyon sa long weekend hanggang sa Tuesday, sa kasamaang palad ay uulanin ang halos buong bansa dahil pa rin sa hanging habagat.

Asahan ang masamang panahon hanggang Lunes.

Inaasahang lalabas sa Philippine area of responsibility si Mina sa Martes.

Sa ngayon, binabantayan na rin ng PAGASA ang isa pang nabubuong sama ng panahon sa Pacific Ocean na may international name na "Talas."

Ito ay ang bagyong sinasabing nagiging dahilan kung bakit mabagal ang takbo ng bagyong si Mina, pero ayon sa mga forecasters sa PAGASA, itong si bagyong Talas ay hindi inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility.

Gayunpaman, pinababagal ng bagyong Talas si bagyong Mina, at isang dahilan kung bakit siya ay magdadala ng malakas na hangin at pag-ulan sa bahagi ng northern Luzon. Atom Aurallo, Patrol ng Pilipino.

08/26/2011 9:54 PMBookmark and Share