Ilang residente, stranded sa Claveria, Cagayan


Sa litratong ipinadala ng isang miyembro ng Sangguniang Bayan ng Calanasan sa Apayao sa “Bayan Mo, Ipatrol Mo,” kitang-kita ang malaking butas sa daan bunsod ng landslide.

Gumuho ang kalsada dahil sa lakas ng ulan na dala ng bagyong “Mina.”

Binaha rin ang ilang bahagi ng bayan.

Pumunta ang ABS-CBN News team sa Calanasan sa Barangay Eva Garden.

Nadatnan ng News team ang malalaking tipak ng bato at lupa na gumuho mula sa bundok. Mano-mano itong inaalis ng DPWH.

Pinutol din pati ang mga puno kaya puwede nang daanan ang bahagi ng kalsada.

“Yung malilit, pinapa-ano [pinuputol nang] mano-mano, sir,” anang trabahador na si Orlando Bisin.

Ilang kilometro na lang ang layo ng News team sa mismong poblacion nang bumuhos ang malakas na ulan.

Peligroso ang daan kaya nagpasiya ang News team na huwag nang ituloy ang biyahe.

Nasalubong ng News team pabalik ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Calanasan.

Ayon sa municipal engineer, nasira ang ilang bahagi ng kalsada at na-isolate ang ilang barangay.

Paliwanag ng municipal engineer na si Laurence Buslig, “Maraming barangay na affected dahil sa road-cut at mga landslide.”

Nababahala rin sila sa kanilang mga pamilya lalo't paubos na umano ang pagkain sa bayan.

“Kasi ‘yung mga goods namin for 3 days consumption lang,” ani ni Janelyn Garcia, municipal budget officer ng Calanasan.

Sa bayan ng Claveria sa Cagayan, pansamantalang natutulog ang ilang mga residenteng hindi makauwi.

Nakatengga ang jeep na puno ng pasaherong papuntang Calanasan. Puno rin ito ng mga kargamento gaya ng pagkain.

Si Aling Lydia, 5 araw nang stranded at ubos na umano ang kanyang pera.

Pangamba niya, “Siyempre 'yung sitwasyon nila baka sakaling wala silang kakainin.”

Ayon naman sa isa pang stranded na pasahero na si Ardes Bulsao, “‘Pag walang confirmation magsimula sa Calanasan na kami ay dapat umakyat, 'di siyempre 'di kami aakyat.”

Aabutin pa ng isang linggo bago tuluyang matanggal ang mga gumuhong lupa at maayos ang mga nasirang kalsada.

Ayon sa mga nakausap ng News team doon, bumubuhos pa rin ang malakas na ulan sa bayan ng Calanasan kaya asahan pa rin ang landslide sa ilang barangay. Harris Julio, Patrol ng Pilipino

08/30/2011 10:25 PMBookmark and Share