Pagputol ng 500 puno ng NIA ilegal daw


Unang nagsumbong sa Bayan Mo I-Patrol Mo si "Joey" ng San Jose, Nueva Ecija tungkol sa may 500 punong pinutol sa kanilang lugar.
   
Sabi ng National Irrigation Administration (NIA), pinutol ang mga ito dahil sagabal sa irigasyon.

Iyong nga lang, ipinamigay na raw nila ang mga pinutol na puno.

Sa tip naman na natanggap ng BMPM, ibinenta ang mga puno sa isang tindahan sa San Jose.

Hindi naman ito itinanggi ng lalaking pinagbentahan.
   
Sabi naman ng NIA ang mga nagputol ang siya ring kumuha ng mga puno.

"Wala ho kaming alam doon. Basta ang usapan namin i-dispose nila, pagkapaguran nila, pagkagastahan nila, idispose nila. Bahala sila," ani Crispino Castillo, principal engineer ng NIA-Division 1.

Nang ipakita naman ng BMPM sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mga pinutol na kahoy, nakatitiyak ito na bawal ang ginawang pagbebenta o pamimigay sa mga puno.

Dapat daw ibinigay ang mga puno sa kanilang tanggapan, lalo't wala raw silang iniisyung permit para magputol ng puno!

"Unang-una walang permiso. Iyon ang paglabag. Walang permiso na inisyu ang DENR," ani Antonio Principe, regional director ng DENR.

Giit pa ng DENR, kailangan ng permiso sa kanilang kalihim ng sinumang magpuputol ng mahigit 50 puno.

"Pahihintuin muna natin iyong pagpuputol nila," dagdag ni Principe..

Kaya bukas, sisimulan ng DENR ang inspeksyon sa lugar kung saan pinutol ang mga puno. – Sol Aragones, Patrol ng Pilipino

08/31/2010 10:54 PMBookmark and Share

1 comment

They should go to jail. The

They should go to jail. The people involved in this are heartless. What they could have done was to transplant these trees. What a waste!!!