Bayan Patroller sa Laguna nangangamba sa pagsara ng rural bank
Isang Bayan Patroller ang dumulog sa BMPM. Tumanggi siyang humarap sa camera pero sinabing natatakot daw siya at kapwa niya depositors sa Rural Bank of San Antonio de Padua sa Pila, Laguna.
Bigla raw itong ipinasara ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) noong August 27.
Nasa bayan ng Pila ang main branch ng bangko at may extension ito sa mismong munisipyo.
Abot sa 90% ng mga empleyado dito sa munisipyo ng Laguna ay may deposito sa extension ng bangko.
Isa si Buddy Banocnoc sa empleyado ng munispyo na may deposito rito. Sa kinikita raw niyang P5,000 kada buwan, P200 ang itinatabi niya para i-deposito sa bangko para may mahuhugot sa panahon ng pangangailangan.
Labinlimang taon na raw nag-o-operate ang bangko at maayos naman daw ang serbisyo nito, kaya laking pagtataka ng mga depositors kung bakit bigla itong ipinasara.
Tanong nila ngayon: Paano nila mababawi ang perang nasa bangko?
Sa isang pahayag ng presidente ng bangko na si Alodia Magpili, iginiit niyang hindi na-bankrupt ang bangko nila.
Katunayan, may pera pa silang nakadeposito sa iba-ibang bangko na pwedeng i-withdraw.
Nagkaproblema lamang daw nang hindi makapagbigay ng sapat na kapital ang may-ari ng bangko na ni-require ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Ayon sa PDIC, ino-audit na nila ang mga libro ng bangko.
Mahigit 4,600 ang deposit accounts ng Rural Bank of San Antonio de Padua at ayon sa PDIC, tinatayang aabot ito sa P111 milyon. – Sol Aragones, Patrol ng Pilipino
09/03/2010 11:28 PM



