Kapatid ng Abu leader patay; full alert sa Mindanao
Nagpapatrolya ang isang grupo ng mga pulis sa Maimbung, Sulu dakong 1 a.m. nitong Sabado nang paputukan sila ng isang grupo.
Walang nasaktan sa mga pulis pero tatlo ang napatay nila.
Lumalabas na ang mga nakasagupa ng mga pulis ay mga miyembro ng bandidong grupong Abu Sayyaf.
Kinilala ang mga napatay na suspek na sina Alnajir Jihani, Magdal Bassal at Abdul Gafur Jumdail na nakababatang kapatid ng mataas na lider ng Abu Sayyaf na si Gumbahali Abu Jumdail alyas Abu Pula o Doktor Abu.
Iniangat ng Philippine National Police sa full alert status ang mga mga yunit nito sa buong Mindanao dahil sa posibleng pag-resbak ng bandidong grupo.
“Medyo malalaking tao po itong nahuli natin. Para sa safety ng ilang elemento na hindi pa nakakaalam sa incident and baka sila ang gantihan,” pahayag ni Director Angelo Sunglao, acting chief ng Directorate for Integrated Police Operations in Western Mindanao.
Batay sa talaan ng pulisya, anim ang arrest warrant ni Gafur Jumdail sa mga kasong gmurder at frustrated murder.
Sangkot din siya sa mga kidnapping, gaya sa Sipadan, Malaysia noong taong 2000, sa Dos Palmas, Palawan noong 2001 at sa tatlong International Committee of Red Cross volunteers noong isang taon.
Sa kabila nito, hindi pa itinataas ng Philippine National Police (PNP) ang alert level status sa Metro Manila, maging sa ibang lugar sa labas ng Mindanao.
“Ang assessment natin dito sa Kamaynilaaan ay mukhang hindi aabot, pero just to make sure tuluy-tuloy nating ia-assess ang situation,” ani Senior Superintendent Agrimero Cruz, tagapagsalita ng PNP.
Gayunpaman, pinag-igting na rin ang seguridad sa mga airport at seaport. Simula Sabado ng tanghali, ininspeksyon ng K9 units ang mga pasahero at bagahe. – Chiarra Zambrano, Patrol ng Pilipino



