Mall pinasok ng 5 armadong magnanakaw


Binalot ng takot ang mga tao sa loob ng SM Dasmariñas nang pumailanlang ang sunud-sunod na putok, bandang 9 a.m. nitong Lunes.

Umabot ng mahigit 3 oras ang clearing operation ng mga pulis sa loob ng SM Dasmariñas pero nakatakas pa rin ang mga suspek, tangay ang 5 bag na may lamang pera.

Kabubukas pa lamang nang mapangahas na pasukin ang SM City Dasmariñas ng mga armadong lalaki.

Ayon sa ilang testigo, sunud-sunod na putok ang narinig nila.

Rumesponde agad ang mga pulis, pero duguang sahig na lamang ang dinatnan nila sa music store na katabi ng isang ATM sa loob ng mall.

May basyo pa ng bala na nakuha.

Naunang sinabi ni Governor Johnvic Remulla at ni provincial police chief, Danilo Maligalig, na may isang namatay, pero itinuwid ito ng Dasmariñas police at iginiit na walang namatay.

Ayon sa mga awtoridad, isinabay ng mga suspek na magkakarga ng pera sa ATM. Agad pinaputukan ang guwardya.

Hinala ng mga pulis, nanatili sa loob ang mga suspek.

Sa videong ipinadala ni Bayan Patroller Christian Perario, makikitang agad pinalabas ang mga nagtatrabaho at mga namimili sa loob.

Kinilala ang mga tao at pinapila muna bago pinalabas ang mga ninenerbyos na empleyado at customer.

Kasabay nito ikinasa ang clearing operations.

Inakyat ang mga palapag sa loob ng mall, pero wala nang suspek na dinatnan ang mga awtoridad.

Hinala ng pulisya, Ozamis Group o ang Kuratong Baleleng gang ang nasa likod ng krimen.

Nakatakas ang lahat ng mga suspek tangay ang pera.

Hindi kalayuan sa mall, isang abandonadong van ang natagpuan ng mga awtoridad.

Umaandar pa umano ang makina ng van nang makuha ng mga pulis kaya hinihinalang ito ang ginamit na getaway car ng mga suspek.

Nang mangyari ang panloloob sa mall, 'saktong nagsasagawa naman ng inspection ang Cavite Provincial Police Office sa headquarters nila.

May hinala ang pulis na baka tinyempuhan ng mga suspek ang okasyon at isinabay ang pagsalakay habang abala ang mga pulis.

Wala pang deklarasyon na ibinibigay ang Banco De Oro kung magkano ang perang natangay ng mga suspek. – Jorge Cariño, Patrol ng Pilipino