5 bayan sa Bulacan, lubog pa din sa baha
Malakas ang agos ng tubig sa McArthur Highway kaya hindi ito madaanan ng mga sasakyan.
Sa kabuuan, 29 na barangay sa Calumpit ang lubog sa baha nang magpakawala ng tubig ang Ipo at Angat dam na ikinaapaw ng tubig sa Bustos Dam.
Nagdeklara na ng state of emergency.
Walang eksaktong bilang kung ilan pa ang stranded pero tantiya ng Calumpit Philippine National Police, nasa 1,000 pamilya pa ang ipit sa baha.
“Bumigay ‘yung nag-dike na naghaharang sa munisipyo sa Poblacion kaya talagang lumaki,” sabi ni Superintendent Manuel Santos.
Hinati sa 5 rescue outpost ang mga barangay kung saan tumulong ang coast guard, Red Cross, at rescue units ng ibang probinsya.
Unang ni-rescue ang mga babae at bata na natulog sa bubungan.
Isang 5 taon na lalaki ang namatay matapos malunod.
Suwerte namang na-rescue ang isang lalaking nalulunod sa lakas ng agos.
Nawalan ng kontak si Mang Narciso sa kanyang ina mula nang umagos ang baha kaya nagpasyang lumusong.
“No choice na ako. ‘Yung magulang namin ire-rescue namin,” sabi ni Narciso Catacutan.
Pero pansamantalang natigil ang pag-rescue at paghahatid ng evacuees dahil naubusan ng krudo.
Kaya ang ilan, nag-init ang ulo.
Dito dinadala sa Calumpit bridge ang mga na-rescue pero wala namang ilaw dito at pagkain kaya nag-aabang ang mga tao dito ng tulong.
09/30/2011 9:13 PM







