21 bayan sa Pampanga lubog pa rin sa baha


Sa ilang bayan na napuntahan ko rito sa Pampanga, halos bubong na lamang ang nakikita kahit na limang araw na ang nagdaan mula nang rumagasa ang bagyong Pedring.

Mataas pa rin ang tubig hanggang ngayon dito sa San Simon.

Lagpas tao pa rin ang baha sa mismong kabayanan.

Bangka ang transportasyon papasok ng bayan.

Para makita ninyo ang taas ng baha, nadadaanan namin ngayon ang mismong kable ng kuryente na nakakabit sa mga poste.

Sa kaliwa ang bubong ng waiting shed at dito naman, bubong na lamang ng San Simon Integrated School ang nakikita.

Pero marami pa rin sa may 1,000 pamilya sa kabayanan ng San Simon ang nananatili sa second floor o kaya'y nasa bubong ng kanilang mga bahay.

Okay pa naman daw sila basta hindi maputol ang suplay ng relief goods.

“Ang mga anak ko nagpunta sa relief...pinahihingi ko rin po sila sa barangay captain kasi 11 families po ang nasa akin,” sabi ng isang residente.

Sa ngayon may 21 bayan sa Pampanga ang lubog pa rin sa baha kabilang na ang San Simon, San Luis, Apalit, Macabebe, Masantol at Candaba.

Ayon kay Pampanga Governor Lilia Pineda, puno na ang Pampanga River at hindi na makalabas sa Manila Bay ang tubig na nanggagaling pa sa iba't ibang bahagi ng Central maging ng Northern Luzon.

Umaapela rin si Pineda sa kanyang mga kababayan na lisanin na ang kanilang mga bahay para na rin sa kanilang kaligtasan. Henry Omaga-Diaz, Patrol ng Pilipino

10/03/2011 10:56 PMBookmark and Share