Calumpit, lubog pa rin sa baha


Halos isang linggo na ang nakalipas nang manalanta ang bagyong Pedring sa Calumpit, Bulacan pero hanggang ngayon lubog pa rin sa baha ang mga residente rito.

Ang mga kalye nagmistulang ilog.

Ang mga palayan ngayon ay tila malawak na karagatan.

Nadaanan namin ang Barangay Gugo, halos bubong na lamang ng mga bahay ang aming nakikita.

Kabaligtaran naman ang hitsura ng Barangay San Jose dahil marami sa mga residente dito ang hindi na lumikas sa kanilang mga tahanan at magkakaiba ang kanilang mga rason.

Ang ilan, hindi umano nakatanggap ng anumang abiso kaya't inabutan ng pagtaas ng tubig.

“Walang nag-warning na lumikas na kami. Mabilis, isang araw lang e, tumaas agad,” sabi ng isang residente.

May ilan ding hindi na lumikas dahil dismayado sa paraan ng pag-rescue sa kanila.

"Wala naman kaming lilikasan kaya dito na lang kami. Medyo bumabaw na sa ngayon. Mas mapanganib pa kung lumikas kami dahil malakas ang agos at walang masakyan,” sabi ng isang residente.

“’Yung mga nagre-rescue, mas madami pa sila sa maisasakay. Kaya sa rubber boat, 2 lang nare-rescue nila,” sabi ng isa pang residente.

Sa aming pag-iikot may mga residente na kinasanayan na ang pagbaha sa kanilang lugar kaya hindi na lumikas.

Pero aminado sila na lubhang mas mataas ang tubig ngayon kumpara sa bagyong “Ondoy” noong 2009.

“Medyo mas mataas ang tubig ngayon kaysa Ondoy. Dati 2 araw lang wala na, ngayon 4 na araw na baha pa din,” sabi ng isang residente.

Mayroon din namang pinoprotektahan ang kanilang natitirang ari-arian kaya tiis sa taas ng tubig.

“Binabantayan ko mga alaga ko baka mawala e,” sabi ng isang residente.

Taliwas din ang kanilang opinyon ukol sa panukalang forced evacuation kung sakaling may unos na darating.

“Hindi ba against human rights iyon?” sabi ng isang residente.

Ilang beses nang sinubok ang Pilipinas ng iba't ibang kalamidad pero tila hindi pa rin tayo natututo.

Hanggang ngayon, kaliwa't kanan ang sisihan kung bakit ganito ang sinapit ng mga bayan sa Central Luzon kabilang na ang Calumpit, Bulacan.

Gayunpaman, sa mga oras katulad nito makikita ang pagkamaparaan at pagtutulungan ng mga Pilipino at hindi pa rin nawawala sa mga kababayan natin ang saya at ngiti sa labi.

Marami pa rin ang nangangailangan ng tubig, pagkain, gamot at damit dito sa Calumpit, Bulacan lalo na sa Barangay San Jose, na ayon sa mga residente ay isang beses pa lang nadadalhan ng tulong.

At pagdating namin sa bayan, iminungkahi namin sa grupo ng Chinese Volunteer Brigade at ang grupo ng Metropolitan Manila Development Authority na tulungan din ang mga taga-Barangay San Jose.

Salamat din sa PNP Region 3 Public Safety Battalion.

10/04/2011 9:54 PMBookmark and Share