PNoy binisita ang Tarlac at Pampanga


Pasado 8 a.m. nang lumapag sa La Paz, Tarlac ang chopper lulan ang Pangulong Noynoy Aquino.

Agad niyang sinilip ang umapaw na Rio Chico River.

Kasama ang Department of Public Works and Highways (DPWH), pinag-aralan kung ano ang mga puwedeng gawing solusyon.

“For the meantime, magpapadala si Secretary Singson ng dredging machine,” sabi ni La Paz Mayor Michael Manuel.

Nagtungo rin sa town plaza ang Pangulo at parang artistang sinalubong ng mga residente.

“Iaayos ho natin iyan para hindi na maulit ang pagbabaha niyo,” sabi ni Pangulong Aquino.

Pinuri ng mga taga-Tarlac ang pagbisita ni PNoy kahit kaliwa't kanan ang batikos sa kanya.

“Tigilan na po natin ang paninira sa kanya kasi nakakatulong naman po siya sa atin eh,” sabi ni Luwalhati Lorense, biktima ng pagbaha sa La Paz.

“Ang totoo lagi siyang nagpapadala kahit wala siya,” sabi ni Roger Ignacio, isa pang biktima ng pagbaha sa La Paz.

Pero sa Barangay Salumague, Paniqui, Tarlac, hindi na nga raw nadalaw ng Pangulo, hindi pa rin nakakarating ang tulong.

“Sana pumunta rin dito at makita niya ang kalagayan namin dito talagang nakapalalim hanggang sa dibdib,” sabi ng isang residente sa Paniqui.

Sa 35 barangay sa Paniqui, 16 pa ang lubog sa baha.

Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), itong Sitio Bacao sa Paniqui, Tarlac ang isa sa malubhang apektado ng pagbaha.

Sa katunayan ay aabutin pa ng tatlong linggo hanggang isang buwan bago humupa ang baha rito.

Wala pang isang oras lang tumagal sa Tarlac ang Pangulo at agad tumulak patungong Pampanga.

Sa pulong niya sa mga lokal na opisyal, napag-usapan ang agarang pagpapatupad ng mga flood control projects tulad ng dredging ng mga canal at reinforcement ng mga riverbanks.

Dismayado rin ang mga evacuees sa San Jose Elementary School kung saan sana siya nakatakdang pumunta.

Daing ng mga residente, nakausap man lang daw sana nila ang Pangulo para nasabi nila ang kanilang mga problema. Zyann Ambrosio, Patrol ng Pilipino, Paniqui, Tarlac