Isabela pinaka-napinsala sa bagyong Juan


Isinailalim na sa state of calamity ang Isabela at kahit sino man ang makakita, manlulumo sa tindi ng pinsalang iniwan ng bagyong Juan dito sa lalawigan.

Ito ang itsura ng lalawigan ng Isabela kahapon habang hinahagupit ng bagyong Juan. Ang mga puno, napapayuko sa lakas ng hangin.

Tahimik na nanood ang lahat habang winawasak ng bagyo ang lahat nang madaanan.

Matapos ang unos, naglabasan ang mga residente at hindi makapaniwala sa pinsalang naiwan.

Ngayon, larawan ang Isabela ng trahedya. Sa isang iglap, binawi ang lahat ng pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Walang kuryente dahil nagkanda-buwal-buwal ang mga poste. Walang malinis na tubig na maiinom kaya't pila-balde sa mga water station.

Mahirap namang ipaabot ang tulong dahil karamihan sa mga kalsada at tulay, kung hindi wasak, hinaharangan ng mga nagtumbahang puno.

Maging ang mga matitibay na imprastraktura ay sinubok ng panahon. Ang mga simbahan ay hindi rin sinanto. Ang pinakamasakit para sa ilang mga residente, pati tirahan nila, nasira ng bagyo.

Si Mang Rodel napaiyak na lamang ng makita ang nangyari sa kanyang bahay. Napilitan siyang lumisan kahapon kasama ang apo para iligtas ang mga sarili sa panganib.

“Alam namin nitong apo ko na ganu'n, binuhat ko na lang po na lumipat. Hindi na namin tinignan itong bahay para hindi namin maramdaman na kung gaano kasakit,” ani Mang Rodel.

Ganito rin ang sinapit ni Aling Dominga na buong maghapong naghanap nang maisasalbang gamit sa gumuho niyang tirahan. Hindi na raw kasi siya nakapag-alsa-balutan dahil mas pinili na lamang niyang sagipin ang mga apo.

“Mabuti na lang po at walang nangari at walang namatay sa amin sa awa ng Diyos. Hindi po namin inakala, sir, na ganito ang mangyayari sa amin. 'Pag alam lang po sana namin, sir, na ganito ang mangyayari, handa sana po kami na itong mga gamit namin ay ilipat na lang namin po sa ibang bahay na iyong hindi nagiba. Kung makikita ko po itong nangyari sa amin, hindi ko alam kung ano ang gagawin ko,” ani Aling Dominga.

Gaya nina Mang Rodel at Aling Dominga, ang tanong ng mga taga-Isabela ngayon ay kung paano sila babangon sa pinsalang iniwan ng bagyong Juan. Jeff Canoy, Patrol ng Pilipino