Wesmincom iniimbestigahan dahil sa operasyon sa Basilan


Kaninang umaga dumating si Major General Irineo Espino, ang Inspector General ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at pinamunuan ang inquiry ng AFP para sa bakbakan kamakalawa sa Basilan.

Ang imbestigasyong ito ay ginagawa ngayon ng militar habang nasa gitna sila ng paggamot sa mga nasugatan at pag-aasikaso sa pagpapalibing ng mga namatay na sundalo.

Sa gitna ng pagdadalamhati, hinarap ng Western Mindanao Command ang imbestigasyon ng Kampo Aguinaldo.

Aalamin ng AFP kung pumalpak ba ang mga opisyal sa pagpapatakbo ng operasyon sa Basilan.

“Para malaman natin kung saan kami nagkulang at doon na tignan para ma-improve ang performance ng ating mga opisyal, mga commanders at ating mga sundalo,” sabi ni Espino.

Pero kung ang tatanungin ay mga nakaligtas, lumalabas na napaghandaan ng kalaban ang pagdating nila at napakadami rin ng nakalaban nila kaya sila nalamangan sa bakbakan.

Sabi ni Private First Class Arnel Balili, radio man ng 14th Special Forces Company, sa unang salpukan pa lang ay hindi bababa sa 50 tao ang sumalubong sa kanila.

“Hindi rin sila bababa sa 50 to 60 kasi nagtulungan na kasi sila sir eh. Pintakasi na ang tawag doon sa kanila, [MILF] at Abu Sayyaf. Kasi iyong Al-Barka balwarte ng [MILF] iyan sir,” sabi ni Balili.

Nakatawag pa ng reinforcement si Balili pero bago pa sila mapuntahan ng reinforcement ay sinalubong na ng kalaban.

“Kasi iyon ang nangyari pala, na-engage rin pala sila. Nalaman din pala ng kalaban na may reinforcement na pupunta sa amin. Hindi nakapunta doon sa amin ang reinforcement,” kuwento pa ni Balili.

May 13 ang sugatan sa engkuwentro sa Basilan na inaalagaan ngayon ng Navarro General Hospital ng Wesmincom.

Labingsiyam ang namatay sa kanilang kasama at 9 ang sinuwerteng makaligtas nang walang sugat.

Kanina nagpunta sa Basilan si General Espino para kausapin ang mga field commanders doon bilang bahagi ng ginagawa nilang inquiry.

Anumang makuhang impormasyon ay tatalakayin nila bukas kay Pangulong Noynoy Aquino.

Sa ngayon ay hinihintay na lang ang pagdating ng C-130 plane ng Philippine Air Force na siyang maghahatid ng mga labi ng mga sundalo sa Maynila kung saan sila ibuburol.

10/20/2011 9:12 PMBookmark and Share