Bagong grupo ng mga sundalo, idedestino sa Basilan


Malungkot at nagluluksa. At habang hinahakot ang napakaraming kabaong, halos walang umiimik kanina sa Edwin Andrews Air Base ng Air Force dito sa Zamboanga City.

Sa lahat siguro ng homecoming, ang pag-uwi ng sundalo sa ganitong paraan ang pinakamalungkot.

Nahakot na ni Rea Ricafranca ang mga gamit ng mister niyang si Private First Class Roberto Ricafranca, ang sniper ng 12th Scout Ranger Company na nagpaiwan para lumaban habang pinapaatras ang mga sugatang kasama sa bakbakan sa Al-Barka, Basilan.

Kayamanang itinuturing ni Rea ang kuwento ng kagitingan ng mister niya na kumakalat ngayon sa mga sundalo rito.

“Pinatakbo niya ‘yung kasamahan niya, kasi siya na daw ‘yung haharap. Kasi ano daw, hindi niya maiwan-iwan ‘yung isa niyang batch na ranger din, nasa gilid niya sugatan na. Ayaw niyang iwan, kasi ganyan daw sila na ranger, walang iwanan,” kuwento ni Rea.

Proud si Rea, bayani ang mister niya.

Isang bayan na sa kuwento at sa litrato na lang makikita ng 2 anak niyang maliliit pa.

“Binuwis niya ‘yung buhay niya para sa mga kasamahan niya. Masakit lang sa akin, kasi nawala siya, nawalan ng ama ‘yung mga anak ko, kapalit ‘yung mga kasamahan niya,” sabi ni Rea.

Marami pang naulila, at sabi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), bibigyan sila ng parangal at kikilalanin ang kanilang sakripisyo.

“Even their commanders have already noted na meron po tayong mga sundalo na nagpaiwan talaga, nagpaiwan para lang makaligtas ang iba,” sabi ni Lt. Col. Randolph Cabangbang, spokesman ng AFP Western Mindanao Command.

Tapos na ang misyon nila, uuwi na sila.

At sa kanilang pag-alis, meron ding maiiwan.

At meron ding mga papalit sa naiwang tungkulin.

‘Yung mga sundalo sa video ipinakita natin sa huling bahagi ng aking katatapos na report ay mga katatapos lang ng training sa Special Forces Regiment sa Fort Magsasaysay sa Nueva Ecija at dumating dito kaninang umaga.

Sila naman ngayon ‘yung idedestino sa 4th Special Forces Battalion na nakatalaga sa Basilan.

10/21/2011 10:26 PMBookmark and Share