EXCL: Mga tauhan ni Abdusalam nagtitipun-tipon
Bahagi ng islang ito ng Labatan, Payao ang binanatan ng airstrike nang makumpirmang dito nagkukuta ang grupo ni Waning Abdusalam.
Pero may mga residenteng hindi pala agad nakaalis.
Kahit nakipagsaya ang mga bata at matanda sa palaro at pakain ng Sagip Kapamilya, hindi maitatago ang naramdamang trauma.
“Magtatago kami, sir. Gumagapang kami sa lupa kasi matatakot naman kami,” sabi ni Jenap Sanahan, residente ng Labatan.
Isang linggo matapos ang airstrike, mga residente raw sa kabundukan ang nag-report na daan-daang armadong tauhan ni Abdusalam ang nagtitipon ulit at pumupuwesto para sagupain ang Army.
“Hindi natin alam. Naka-scattered ang mga tao na iyan. Expected na 400 o 300 na tao ang nasa talahib,” sabi ni Carlito Chong, vice mayor ng Payao.
Pero paniwala ng army, napilayan na nila ang bandidong grupo sa sunud-sunod na atake.
“'Yung iba namatay na, sinasabi nilang dating wounded na namatay, nasa mga barangay na iyon. Itinago na ng mga kamag-anak,” ani Zamboanga Peninsula Philippine Army First Division Chief Major General Noel Coballes.
Lumuha naman ng husto ang mga kamag-anak ng mga sundalo at pulis na in-ambush ng grupo ni Abdusalam nang inihatid sila kanina sa huling hantungan.
Sa pinakahuling intel report ng awtoridad, buhay pa si Waning Abdusalam kaya't kahit panahon ng Undas, tuloy lang ang mga opensiba lalo't ayon sa mga residente ay nakakakuha ng ng buwelo ang kanilang kalaban. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino
10/31/2011 11:12 PM







