Grupo ni Abdusalam, namataan sa gubat ng Sibugay
Sa masukal na kagubatang ito ng Zamboanga Sibugay nakita umano ng mga residente na naglalakad ang grupo ni Waning Abdusalam.
Dito umano karaniwang unang nagtatago ang mga bandido dahil hindi ito kabisado ng militar.
Mga bandang alas-12 daw o ala-una ng madaling araw nang dumaan dito ang grupo ni Waning Abdusalam, pero kahit madilim alam nila ang pasikut-sikot sa gubat, indikasyon daw ito na may tumutulong na mga residente sa grupo para matakasan ang mga militar.
Sa ilog naman na ito, huling nakitang nagpahinga ang mga lawless elements bago pumasok paakyat sa kabundukan ng Zamboanga del Sur.
"Mahahaba daw ‘yung mga baril, akala namin mga sundalo hindi pala. Sa itaas naka-military fatigue pero mga sapatos hindi naman boots," sabi ni Carlito Dumaboc, isa sa mga residente.
Kaya ang mga residente abut-abot ang takot na baka sa kanilang lugar maganap ang mga engkuwentro.
"Syempre baka dumaan sila. Wala naman silang pinipiling mga tao," sabi ng residenteng si Floro Chico.
Pero ayon sa pulisya, tukoy na nila ang lugar na kinikilusan ng kanilang kalaban.
Ang hindi pa lang malinaw, kung kasama sa namataang armadong grupo si Abdusalam.
"Nag-react ang mga supporter niya sa mainland, lahat ng mga municipality mayroon silang supporters," sabi ni Senior Supt. Ruben Cariaga, provincial director ng Zamboanga Sibugay.
Ikinasa na ng militar at pulisya ang pangalawang bugso ng kanilang pag-atake.
Lulusob uli sila sa sandaling makumpirma na ang eksaktong lokasyon ng mga bandido. Ron Gagalac, Patrol ng Pilipino
11/02/2011 10:51 PM







