Paglabag sa gun ban ng kapitan huli sa video


Ito ang video na ipinadala ng Bayan Patroller na tumangging magpakilala. Makikita ang isang lalaking may sabit na armalite at tila nakikipagtalo sa dalawa niyang kausap.

Ilang segundo pa, narinig ang isang putok ng baril sa video.  Makikitang sumakay na ng sasakyan ang lalaki.

Ayon sa Bayan Patroller, ang lalaking nasa video ay si dating Barangay Captain Gerardo Manalo Sison ng Barangay Camaligan, Calamba, Laguna.

Kuwento niya, nilusob ni Sison ang compound ng dati niyang asawa dahil sa alitan sa motor ng tubig.

Nakunan din ng panig ang kumuha mismo ng video. Ayon sa kanya, tatay niya ang hinahanap ni Sison. Dala ng takot, ni-record niya ang nangyari.

Nagalit daw si Sison nang malaman na itinago ang susi ng motor ng tubig. Siya raw kasi ang bumili nito sa ilalim ng kanyang termino.
 
Pinuntahan ng BMPM ang bahay ni Sison para sa kanyang panig pero wala siya roon.

Sabi ng caretaker, nasa Pangasinan daw ito ngayon. Hiningi rin ng BMPM ang numero ni Sison sa cell phone pero hindi ito ibinigay.

Minabuti ng Bayan Mo, iPatrol Mo na puntahan ang hepe ng pulis ng Calamba ukol dito.

"Base sa aking pag-iimbestiga, nakita ko nga doon na medyo may  personal na alitan iyon... 'yung pintuan ng motor, allegedly pinadlock niya, so pinutukan iyong pintuan ng motor, 'yung padlock," ani Jaime Pederio Jr., chief investigator ng Calamba Police Station.

Kinonsulta din ng BMPM sa Criminal Investigation and Detection Division o CIDD ang nangyari.

Ayon sa CIDD, maaaring kasuhan ng alarm and scandal, illegal disposal of firearms o pagpapaputok ng baril o illegal possession of firearms si Sison kung may magrereklamo, lalo't patuloy ang Comelec gun ban hanggang Nobyembre 10. Sol Aragones, Patrol ng Pilipino